PAGHIHINTAY KAY REBECCA

Posted: June 25, 2010 in Pag-ibig

“T’wing nasa amin ako, alam mo’ng ginagawa ko? – Nando’n ako lagi sa tereys. Pag hapon, lalo na. Tinitingnan ko’yung puno ng aratiles. O kaya naman, ‘yung mga puting rosas, o kahit na anong makita ko. Wala. Wala akong magawa e. Buti nga, dumating ka. Kala ko nga, wala ka na rin.” Lumabusaw sa tubig ang ipinukol na munting bato. Sinundan iyon ng bahagyang halakhak. “Tanda ko pa rin ‘yung biglang ahon mo dun, iwan ‘yung saya mo!” Halakhak uli. “Hiyang-hiya ka no’n. Sanlinggo yatang hindi ka nakipaglaro.” Mas malakas na labusaw ang sumunod. “Hindi ka na sana lumaki. Tayo. Hindi na sana umusad ang panahon, ano? Ansaya-saya n’on. Ansaya-saya…” Mahinang labusaw nalapit sa pampang, kasunod ang di-kilalang piraso ng dahon sa tubig.

“Nalungkot ako nang malaman kong lumuwas ka na. Pinakamalungkot sa akin ‘yon, kasi bago ka umalis, dal’wang linggo kang hindi nakita, tapos akala ko nar’yan ka pa, tapos wala na pala…ganun. Ganun ang dating sa akin.” Isang lata ng sardinas ang inaanod-anod ng maliit na agos sa di-kalayuan. Sumabit iyon sa nakabarang lumot sa unahan. “Kaya pinag-igi ko ang pagtulong sa sinturisan, nang payagan ako ng tatay na lumuwas. Hiningi ko ang adres mo sa inay mo. Pero pagdating ko roon, lumipat ka na raw. Siguro, ang nangyari, pagkaluwas ko…saka ka naman dumating sa inyo ang bago mong adres. Wala namang nakapagsabi sa akin. Nalaman mo siguro, nagkatampuhan noon sa muson ng lupa.” Sumibad palayo ang huni ng kilyawan. Dumami ang nanlaglag na mga dahon ng kawayan, gumugulong pababa sa hangin. Manaka-nakang sumisingit ang magatol na alitit. “Apat na buwan ako ro’n. Tumulong sa textile printing. Samb’wan.” Lumagos ang liwanag sa mataas na balbamera sa tapat ng sapa. Sa kabila noon ay ang mahinang harurot sa di-nakikitang lansangan. Muli’y sumaboy ang mga dahon ng kawayan, at tila hinigop na napatianod sa maliliit na agusan.

“Wala akong kabali-balita sa ‘yo noon. Apat na b’wan, biruin mo. Kaya ako napaluwas, para makita. ‘Pag nga sakay ako sa dyip, o naglalakad ako, inaakala kong matanawan ka. Siguro, bigla akong papara. Kung hindi haba o kulay ng buhok, damit…o kung kasingputi mo. Lahat halos pinagkamalan ko na. Malilimit nakokontento na lang ako na parang ikaw na rin ‘yong nakita ko.” Nangibabaw sa lagaslas ang mahinang tawa. “Ganyan ako kadepres noon. Biruin mo-apat na b’wan. Mahigit pa. Para na ring may nag-Japan sa atin a. nasa Pilipinas lang tayo pareho, hindi pa tayo magkita.” May dumausdos at nangaykay at pumutak sa dinding na lupa sa kabilang pampang. Pagkatapos ay mahinag wisik ng lupa. Ang putak ay naging saglit-saglilt na kukok, na nakubli at naging kaluskos na lamang sa isang dakong masukal.

“Biglaang ipinaripeyr ‘yung una kong tinuluyan. Sumama na lang ako sa paglipat d’un saa estudyanteng nakaibigan ko r’on. Saka ko na lang sinabi sa mg ainay – baka mag-alala pa sila. ‘Yung kumare n’ya ang nagsabing paluwasin ako. Kailangan daw ng isa pa sa tahian. Ako na lang daw.” Sa dako pa roon ng kangkungan, m ay lumusong na tao, nakamaong na putol, patawid sa bahaging kawayanan, may bitbit na karit at sakbat sa balikat ang isang bakid na kugon. Bahagyang dumulas malapit sa pampang ang isang paa ng tao. Saglit. Nanaig ang mahinhing lagaslas sa umuurong na anino ng puno.

“Lalong malungot ‘pag umuuwi ako. Mas napapalayo ka pa. Dalawang araw lang minamadali ko nangn bumalik. Naiinip ako rito. Doon, kahit hindi kita makita, alam ko, nar’on ka lang. dito malabo. Imposibleng bigla kitang makita rito, o sa sinturisan. O kaya sa aratiles.” Saglit at pabugsong halakhak. “Matatakot naman ako kung bigla kang sumulpot sa hangin, sinutsutan ako!” Sabay na tawa at pilit na hagikhik. Parang mahihinang gripo ang nahihiwang mga agos na tinutunghan ng mga tinig. “Dalhin ko sa tatay, may aplay ako. Pero naghanap din talaga ako ng trabaho r’on. Nakakita ako. Machine opereytor sa printing press. Walang problema. Parang ako lang ang hinihintay ng trabaho. Kaso, alerdyik pala ako sa papel. Nalaman ko lang nang kaharap ko na ang santambak na papel. Sinipon nga agad ako!”

Kumawala ang hangin. Tumupa-tupa ang mga palapa ng niyog sa gilid ng mahabang gulod. Pakapa na ang mga ulap sa likod niyon.

“Ano nga pala, may ibibigay ako sa ‘yo. T-shirt. Disayn ko ‘yon! Nilibang ko na lang ang sarili ko sa pagtatatak. Ang tiya nga e natuwa. Nadamay ko sa paglilibang ang panaderya. Bago ‘yung saynbord n’ya ngayon. Lahat tinatakan ko. Shorts, pantalon…pati medyas ng pinsan kong hiphop – saka ‘yung panyo’t twalya ng mga El Shaddai sa ‘min. Kumita naman ako kahit konti. Nakabili ako ng maliit na caset.” Mula sa kanan ng sapa, sa dakong tago sa paningin, nagsimula na ang layu-layong tunog ng mga palu-palo. “Balak ko nga, magbukas ng printing shop dito. Mga iskul lang, pwede na. Boy scout, girl scout, P.E. … pwedeng-pwede na.” May mga tinig na matitinis sa malayo. Sinundan ng matandang halakhak na dumidiin sa bawat bagsak ng palu-palo. “Kung titingnan mo, tamang-tama tayo. Mananahi ka. Ako nagtatatak. Pwde, ano?”

“Baby dress ang tinatahi nami.” Maputi na ang kanina’y kulay abong batuhan.

“Gan’un din naman ‘yon. Damit at damit din lang.”

“Di sige.”

Kapansin-pansin ngayon ang naglipanang makahiya. May maliit na abuhing ibong sumibad papalayo. Ang lagaslas, ang halakhak sa ibabaw ng tunog ng palu-palo, at pagaspas ng nagmamadaling mga pakpak ay ilang saglit pang umikot-ikot sa mukha ng sapa.

“Kumusta naman ang pananahi mo?”

“Ayos naman. Maramii na rin akong kaibigan d’on. Pero hindi gan’on kasaya. Iba syempre pag nasa malayo. Kung anu-anong naiisip mo…”

“Halimbawa’y…? Unti-unti, dumalang ang mga tunog at tinig.

“Wala.”

“Wala? Ako, naiisip kita lagi. Talaga…!”

“Talaga?..” Muli’y nangingibabaw ang mahinhing lagaslas.

“Bagot na bagot ako noon. Nababagot pero mas gusto kong mag-isa. Doon, lagi ako sa taas. Sa k’warto, sa bintana. Mahirap makipag-usap sa kahit sino kapag may sadya kang gustong kausap. Kapag may hinahanap kang kausap na hindi mo alam kung nasaan. Kuha mo ba?”

“Ang drama mo.”

Malakas ang labusaw ng pagbato sa may gilid ng kabilang pampang. Naglabo roon, at may lumitaw na bahagi ng lumot.

“Ewan ko. Hindi ko alam kung lahat ng lalaki ganito, o sadyang may romantiko. Ako siguro, kung naging babae ako-iyakin. Totoo. Hindi ko pinipigil ‘yang luha. Dumarating kasi na – ang labo ng hinaharap. Nakakalungkot. Iniiyak ko kapag madilim na sa kwaryo. Tatlo kaming natutulog d’un. Nakahiya. Pero syempre’y kontrolado. Baka gumising akong guhit na lang ang mata.” Tawanan. Ang kanina’y nadidilimang malalim na sulokk ng tubig ay may makislot, mapusyaw nang repleskyon sa paanan ng malaking batong buhay na nakayungyong doon.

“Nakakaiyak kapag naiisip kong malabo pa rin tayo. Ang daming problema. “Yun lang mga b’wang wala akong kabali-balita sa ‘yo…malabo ‘yon. Tapos lagi ko pang naiisip-wala akong tiyak na trabaho, ikaw meron. Kung tutuusin—” Isa pang malakas na labusaw na mas malapit na sa gilid ng kabilang pampang. “Pwdeng-pwede mo akong kalimutan.”

Umaakyat na ang iba-iba’t malalayong ingay sa paligid. Sa likod ng balbamera, sa di-nakikitang lansangan, nagpapang-abot na ang mga harurot ng sasakyan.

“An’drama mo.”

“Talaga. Eto nga, maiiyak na naman ako—Hindi, gusto ko na talagang makahanap ng permanenteng pagkakakitaan. Nang makaipon naman ako. At— Bukas nga, mamimili na ako ng mga gamit. Nakausap ko na ang tatay tungkol dito. Tutulungan pa nga niya kaong ayusin ‘yung garahe dati ng traktora. Sana’y swertihin—” Humanggan sa kabilang pampang ang bato, bahagyang binasag ang kimpal ng lupang naroon.

“Itigil mo nga ‘yang kababato mo!.. Baka manuno ka…”

Sumaliw sa lagaslas at gaping mga ingay ang tatlong ulit na pagpaspas ng mga kamay. “Tabi po nuno, h’wag sanang manununo.” Bahagyang halakhak. “Sa Maynila, hindi nila maintindihan kung ano ang nuno. Ba’t kaya walang nuno sa Maynila, ano? Wala ring aswang—pero maraming naaaswang.” Sinundang ng mahinang ngisi ang papalayong kawan ng maliliit na isda mula sa gilid ng pampang. “Naisip siguro ng mga aswang, marami silang kakumpetensya r’on” Tila sumabay sa bahagyang tawanan ang pagkislot ng nanghahaba’t matatalas na silahis sa pagi-pagitan ng kadawagan. Manipis na at patulo na umuurong ang anino ng balbamera mula sa pampang. “E ang mga nuno kaya? Siguro…dahil wala nang natatakot sa kanila r’on. Lahat kasi ng bagay d’on—pati takot—may paliwanag na.”

“Oo…”

“Saka wala silang pagtatayuan ng punso r’on” Basag na tawa. Buntunghininga sa dulo. Wari’y tumingkad ang tunog ng malillit na agos. “Ako kaya? Pa’no magkakabahay? Kahit kubo ngayon mahal na.”

“Di magtayo ka na lang ng punso?”

“Kung uso pa nga sana ang bahay na putik—Tingnan mo, kahit punso, hindi ko pwedeng itayo.” Lumapat sa tubig ang pirasong dahon ng pako, tuloy-tuloy na napailalim sa maliliit na agusan. “Ang dami nating dapat hintayin. Pa’no kung…” Umali-singit mula sa likod ng balbamera ang magatol na pagtakbo ng isang traysikel, papahina, nawala sa isang saglit.

“Ano?”

“Wala—wala pala. Gusto ko lang magdrama sana.”

Makinang ngayon ang takip ng lubog nang lata sa kinasabitang lumot. Sa itaas, gumugulong na nanlaglag ang mga dahon ng kawayan sa masiglang ihip ng hangin. Sumasaliw sa lagslas ang pamaktol na aliit. Samantalang nanatili angn anino ng balbamera sa nag-usling ugat sa paanan.

“Mainit na. Baka hinahanap na ako.”

Tumakas na ang hamog sa mga dahon ng pako at makahiya. Wari’y nakatanaw sa kanilang likod ang palapad na batong buhay na iniwang may pira-pirasong dahon at ilang baling tangkay. Nilakdaw nila angn tinibang katawan ng puno ng saging. Isang binatang nakakamisetang kupas na lila, at pantalong may wisik na iba-ibang kulay, balat kayumanggi, at isang dalagang may hanggang-balikat na buhok sa putting pang-itaas at asul na palda, bilugan at maputi. “Kala mo ang ganda ng panahon, pero mamaya uulan ‘yan. D’un ba, ganito rin?” Nagsisimula nang umaso sa tumataas pang araw ang paltak na lupang dinaanan nila. Makiraw ang kanilang larawan, nakatalikod, mahinay ang galaw, paakyat sa naghihintay na gulod na nalililiman ng mga punong mangga at kaymito. Humahabol sa kanila ang kaluntian ng pampang. “Paluwas na ako bukas. Maaga ang pasok ko.” Hanggang sila’y maging bahagi ng lilim sa gulod, at ang papawiri’y sikatan ng mga lagaslas.

Taong 1995

ANG TSOKOLATENG DI KO NATIKMAN

Posted: June 25, 2010 in Pamilya

Lagi kong maaalala ang aking ama bilang mahigpit at seryosong tao. Parati siya roon sa tabi ng malaking durungawan sa aming kusina, nakatanaw sa likod-bahay na laging mahamog at masukal. Nalililiman iyon ng mga puno ng kaymito, tsiko, abokado, at santol. May mga puno ng saging na tinabihan ng mga gabing malalaki ang hugis-pusong dahon at sari-saring halamang gulay at gamot. Sa dulo niyon ay ang labing na may ilog sa paanan, umaabot sa amin ang lagaslas, ang mga tinig ng naglalaba at ang kanilang mga palupalo, mga naliligo, at ang mga huni ng maya, uwak, lawin, kilyawan, at ibong-bahaw. Kapag wala sa lakuan, tahimik siya roong nakaupo. Makikilala mo siya sa maitim at kulot niyang buhok na walang katulad sa aming walong magkakapatid. Halos ay wala siyang kamukha sa amin, sa palagay ko. Pogi ang aking ama, lalo na sa mga lumang kuha ng kanyang kabataan. Sa tingin ko, mas mahaba kaysa sa kanya ang aking ina, lalo pa nga’t tumaba na siya. Kapag nakaupo siya roon, malamang may pinakukuluan siya sa abuhan. Siguro, isa na namang kakatwang putahe na natutuhan niya sa Bikol, Cebu, o sa kanyang mga kumpare, na karaniwa’y di ko talaga magustuhan, bukod sa ako’y sadyang pihikan. Minsan nama’y dahon ng bayabas o sambong lamang iyon, panggamot niya sa kanyang rayuma.

Malayo ang loob ko sa aking ama. Siguro, dahil pampito na ako, at malimit, ang nakatatanda kong mga kapatid na lalaki ang kanyang kasa-kasama, kapag may inaayos sila sa bahay at sa paligid, sa pagpapastor ng mga kambing, pangungumpay, at sa pagpunta sa bukid. Ayaw nila akong isama. Lampa raw kasi ako at iyakin. Malimit pati akong magkasakit, kaya naman napakapayat ko. Naging mas malapit ako sa aking ina, at sa kanya ako bumuntot-buntot, mula sa pangangahanggan hanggang sa luwasan sa Malabon at Navotas. Isa pa, takot ako sa aking ama. Parang lagi siyang galit. Lalo na nang dumating kami ng aking ina mula sa luwasan at may bitbit akong isang plastik na dyipdyipan, halagang kinse pesos na sabi niya’y dapat bawasin sa baon ko. Malimit pa niya akong utusang hilutin ang kanyang tuhod at noo, o kaya’y alisan siya ng uban, matagal na gawaing umaagaw sa oras kong maglaro. Ganyan siya kapag hindi barik, mainitin ang ulo, dahil masakit siguro. Kapag barik, binababag naman niya ang aking ina. Mag-aaway sila sa itaas ng bahay, habang nasa ibaba kami ng aking mga kalaro. Sanay na kami. Ganyan din ang eksena sa ibang bahay, baka nga mas malala pa.

Hindi ko naranasang “makasama” ang aking ama. Malimit siyang wala, at mas gusto ko iyon. Malabo sa alaala ko kung saan talaga siya nagtutungo. Basta alinman sa wala siya dahil naglalako, o wala siya dahil nagbabarik. Magaling daw magluto ang aking ama, pero wala akong matandaang naibigan ko sa kanyang mga putahe. Minsan nga, minura niya ako dahil hindi ko makain ang niluto niyang puro sibuyas. Aywan ko kung ano iyon, basta ayaw na ayaw ko ng sibuyas noon. Wala pati akong ibang gusto, kundi prito. Kahit pritong itlog, kung may sibuyas, pakiramdam ko’y masusuka ako. Malimit pati, uuwi siyang barik sa mahalagang okasyon, at karaniwa’y palulungkutin niya ito sa kanyang pagmumura. Minsan nga, nagtago kaming magkakapatid sa ilalim ng kama dahil sa takot sa kanya. Wala pa akong muwang para maintindihan kung ano talaga ang ikinasasama ng kanyang loob. Naririnig ko lamang sa aking ina na seloso raw ang aking ama, lahat pinagseselosan, maging manghuhula o albularyong tumitingin sa aming bunsong di nagsasalita. Minsan na ring hinabol niya kaming magkakalaro ng palo ng tsinelas nang gawin naming naglalayag na bapor ang punong kape—at nanlaglag na maigi ang mga bunga!

Wala akong maalala na umuwi siyang may pasalubong, o kinarga man lamang niya ako. Isang beses lamang yata na nakita kong tumawa siya sa akin. Naglalaro ako noon sa lumang garahe ng aming dyip (na di ko na inabot), nang mapansin ko roon ang aking ama. Siguro’y batang-bata pa ako noon, kaya hindi ko alam ang hitsura ng nakabarik. Pero tanda kong sinabi ko, at dinig ng aking ina, “Aba, rosy cheeks ang ama!” Natawa ang aking ama, at talagang mapupungay ang kanyang mga mata! Nang lumiligaw pa lamang daw ang aking ama, ayon sa aking ina, sinuman daw ay nagsasabing magaling siyang lalaki, at balita sa kasipagan, bukod pa sa kilalang albularyo ang aking mamay. Natatawa pa rin nga ang aking ina kapag ikinukuwento niya nang minsang bumili ng isda ang aking ama. Mag-asawa na sila noon. Nagulat daw siya sa supot na dala-dala nito. “Pinagkapili ko pa nga’t ako’y nagandahan,” sabi raw ng aking ama. “Di mo ga naman alam na iya’y supot ng pasador?” ang sagot ng aking ina. Mahilig ding kumanta ang aking ama. Isang gabi nga, napabangon kami dahil kilalang-kilala namin ang boses ng kumakanta mula sa tumpang ng baysanan.

Kahit ganoon ang aking ama, masasabi kong pinakamasaya pa rin ang panahong iyon. Kahit pa nga tipid na tipid kami at kahit saan kami bumaling, pinagkakautangan ang kaharap namin. Bata pa ako, ngunit alam ko nang mahiya kapag kasama ako sa palengke ng sinundan kong kapatid na babae. May kahulugan para sa akin ang pag-aabot niya ng isang listahan sa tindera, at malimit, pati ang paghihintay naming kami ay “pagbilhan.” Tanda ko rin, kapag parehong nasa lakuan ang aking ama at ina, dudurugin ng mas nakakatanda kong kapatid na babae (di kami tumatawag ng ate, o ng kuya) ang huling hiwa ng tambakol sa platito, lalagyan ng toyo, at mahimalang magkakasya iyon sa amin. “Torta” ang tawag namin doon—o iyon ang sinasabi ng aming imahinasyon.

Bihira kaming makatikim ng karne. Malimit sinaing na isda, ‘yung may patis na maipampapalasa rin sa kanin. Minsan puro tuyo, o laging itlog—omelet na hihiwa-hiwain kung ilan kaming kakain. Kapag walang-wala, tatakbo ng isang latang sardinas sa tindahan, pararamihin ng toyo at kaunting suka. Lagi rin namang may gulay na papaya, patani, kibal, kadyos, o papaya. Kaya ayos na. Hindi kami mareklamong magkakapatid. At kahit kailan, hindi sumilid sa isip ko na mayaman kami. Minsan nga lamang, hinahanapan ko ng dahilan ang luma, ngunit malaking bahay, ang garahe, ang halatang dati’y maayos na kasangkapan, ang kama, sirang lampshade, telebisyon, radyo-transistor, mga plaka, ispiker… at kung bakit may flush ang inodoro at may shower sa banyo. Hindi ko na inabot na nagagamit ang mga iyon. Maging ang tubig ay kailangan na ring ipunin at tipirin.

“My father is a politician,” pakilala raw ng aming panganay nang nasa elementarya pa siya. Konsehal ang aking ama noong dekada sisenta. Simple lamang maging pulitiko noong araw. Kapag gusto ka ng tao, pagkakasunduan ka nilang patakbuhin at sila mismo ang mangangampanya para sa iyo, paliwanag ng aking ina. Para sa kanya, ang pulitika ang naglayo sa aming ama. Isa rin daw ito sa mga dahilan ng aming paghihirap. Madaling lapitan at pakiusapan ang aking ama. Kaunting naitabi ay nagagawa pang iabot sa nanghihiram. Minsan nga raw, walang-wala sila kahit panggatong, pero pilit naglaga ng kape ang aking ina sa pamamagitan ng papel, para lamang makapagpakape sa bumibisita. Kaya mula noo’y inayawan ng aking ina ang pulitika. Panay ang paalala niya sa amin na huwag na huwag naming maisipang pasukin ito.

Magkokolehiyo na noon ang mga kapatid kong babae nang magtungo sa Iraq ang aking ama bilang isang kusinero. Tandang-tanda ko nang una siyang mapaiskedyul, hindi natuloy ang kanyang flight. Natuwa nga ako nang makita ko siya uli kinahapunan. Pero tahimik lamang siyang nakaupo sa sala, may iniisip. Hindi ko na maalala kung saan-saan naroroon ang iba kong mga kapatid. Nagtatrabaho siguro, o pumapasok sa eskwela. Tila may pinuntahan ang aking ina noon. Kami lamang ng aking bunsong kapatid ang kasama niya sa bahay. Maya-maya, tinawag ako ng aking ama sa kusina, sa tabi ng durungawan. Pinakuha niya ako ng libro at pinatayo sa naroong bangko. Nasa harapan ko naman siya, halos pantay kami sa aking kinaroroonan. “Basahin mo nga…” aniya. Iyon ang una at huling “nakasama” ko ang aking ama. Nakatanaw kami mula sa palapag na may malaking bubog na durungawan. Kitang-kita ko siyang huminto sa kalaghatian ng hagdan ng eroplano para kumaway sa amin. Maya-maya’y iniabot sa amin ng litratista ang kopya ng tagpong iyon: alangang nakatawa, alangang maiiyak na larawan ng lumilisang ama.

Hindi ko halos namalayan ang pagtigil niya sa Iraq, liban sa mga litratong ipinadadala niya. Hindi ko rin naramdaman kung may nabago sa aming pamumuhay. Siguro, nakapagbayad ng mga utang-utang, at hanggang maakit na ring mag-aplay paabrod ang dalawa ko pang kapatid na lalaki. Pero kahit na, wala pa rin akong maalalang kaalwanan. Hanggang isang araw, narinig kong dumating na ang aking ama. Siyam o magsasampung taon na siguro ako. Pero kung bakit hindi siya tumuloy dito sa aming bahay. Sa halip, lumuwas kami ng aking ina sa Makati, sa mga mamay, kung saan sinusuri siya ng kapatid niyang doktora. Narinig ko na noon na nagkasakit daw sa Iraq ang aking ama, nawalan daw ng panlasa. Tanda ko nga’y napakapayat niya sa huling litratong padala niya. Parang hindi siya ang aking ama. Hindi ko alam kung gaano katagal, basta inip na inip ako sa pagtigil namin doon. Pilit akong nilibang ng aking tiya sa pamamagitan ng mga kahon ng posporo mula sa kanyang tindahan, na pinagdugtong-dugtong ko at ginawang robot. Ginupit ko rin ang giraffe, tigre, elepante, usa at iba pa mula sa karton ng Ovaltine. Ang mga iyon lamang ang naging laruan ko roon. Wala naman kasing naiuwi para sa akin ang aking ama—isa mang pirasong tsokolate.

Isang umaga, kinukulayan ko ng pentel pen ang iginuhit kong bahay na tanaw mula sa terasa sa itaas, nang tawagin ako ng aking ama sa kalapit na kama. Lumapit ako sa kanya at ipinakita ang aking ginagawa. Ngumiti lamang siya. Hindi ko na rin maalala ang kanyang tinig. Matagal ko na siyang hindi naririnig magsalita, matapos ang araw na pabasahin niya ako ng libro bago siya umalis papuntang Iraq. Nang tanghali, narinig kong pinag-uusapan nila, tiningnan daw ng mamay ang palad ng aking ama, ngunit hindi ko naunawaan ang kahulugan ng usapang iyon. Parang naalala kong minasdan din ng aking ama ang aking mga palad—at nag-iisip na minasdan ko rin ang mga ito.

Hapon nang matanaw ko mula sa terasa nang pilit nilang binuhat ang aking ama, kasama ang mismong silyang kinauupuan niya. Kitang-kita ko sa kanyang mukha ang pagtutol niyang madala sa pagamutan. Lumipas ang mga oras, ipinagpatuloy ko ang aking paglalaro sa aking robot na kahon at sa mga hayop na karton. Tila inabot ako ng gabi roon, at nagulat na lamang ako nang higitin ng aking tiya ang braso ko, dahil pauwi na raw kami. Tila naiiyak siya, pero ayaw kong patalo sa kutob ko. Salo sa tisyert ang mga kahon ng posporo at ang mga hayop, umalis kami roon. Hindi ko na maalala kung saan sila napatago o nahulog kaya. Ang mahalaga—uuwi na kami, kasama ang aking ama.

Mahal kong misis at mga anak,

Bago ang lahat ay katulad ng dati kalakip nang liham kong ito ang taos pusong dalangin na nawa’y kayong mga mahal ko sa buhay, laging na sa mabuting kalagayan, at ligtas sa ano mang kapahamakan. At kong ako, ang inyo namang itatanong o maaalaala ay mabuti naman sa awa ng Dios at puong maykapal, at kong bagaman nagkakaroon ng karamdaman ay gumagaling pa rin. Kaya huwag magaalaala nang tungkol sa akin. Sapagkat kong kami dini ay ilalayo nang panginoong Dios at magkakaroon ng mahigpit na deperensya, ay malalaman agad ninyo diyan sapagkat hindi magpapabaya sa amin ang “companya.” Kaya nga lamang ay hindi ako malimit makapagpadala ng sulat sa inyo. Kaya kayo na lamang malimit susulat sa akin.

Ang una kong hinihingi sa inyo at hinihiling padalhan ninyo rito ng litrato ninyong lahat, na kuha diyan sa harap ng ating bahay. Sa lalong madaling panahon. Sapagkat kong oras oras gusto kong kayo makita. Ang ikalwa ay bagay sa pagaapply ni Sofio ay huwag siyang maiinip maghintay siya kong wala pang lugal sa Saudi, sapagkat kong dito sa Iraq sa huwag na. Sapagkat napakahirap dini wala dining dollar at mahal pa ang mga bilihin. Tama na ako ang makaranas. “Hintayin kong kailan may logal sa Saudi!” Bagay naman kay Nanding huwag din siyang maiinip, kung sakali mang wala siyang mabuting trabajo, talagang ganyan ang buhay. Lahat tayo ay magtitiis mona nang kaunting hirap. At lalong pinakamahalaga sa tao, ay ang kabaitan, kaya kayong lahat na, mga anak ko, ay alam kong kayo ay mababait na, subalit kadadagdagan pa ninyo, ang inyong kabaitan. Magsipag kayong lahat sa “pagaaral” upang tayo ay mahango sa kahirapan.

Ang lahat na nakobra mo diyan na kuwarta, ay ipadala mo dini sa akin kung magkano na, upang malaman ko dini kong tama ang inyong kinukobra sa buwan buwan. Kami ay mayroon pinanghahawakan na aming pinirmahan dini, kong ilang buwan ang siyang nasasahod. Tungkol naman kay Pepe, ay hindi na ako sumagot sa kanyang sulat, dahilan sa hindi ko alam ang isasagot sa kanyang kahilingan. Ayaw kong sugatan ang kanyang damdamin. Buhat nang siya ay sumulat dini sa akin ay hindi siya sumulat na muli.

Mahal ko, ako ngayon ay hindi malaki ang sasahurin dahilan sa wala akong overtime. Gayon man hindi na bali ano? Hindi naman mahirap ang aking trabajo. Hangang sa sinulat ko ito Petsa 5 ng Octobre ay hindi pa kami nakakasweldo ng buwang Sept. Maaaring magkasabay na ang Sept. at Octobre.

At siya nga pala bago ko tapusin ang liham kong ito ay “Happy Anniversary sa Noviembre 24/82.” Siempre naman isang HALIK kay Otoy. At iyong litrato ninyong lahat siempre magaganda ang suot, para lalong bumagay sa magandang misis, at naggagandahan kong anak.

Ito na lamang, at bago matulog siempre naman ay isang mainit na halik igagawad kay Otoy.

Ang hindi na makalilimot na Mr. at ama ng kanyang anak…

Kahit sa litrato, hindi na niya muling nakita kami na kanyang pamilya, sama-sama at magaganda ang bihis sa harap ng aming bahay. Itinatanong ko sa aking ina kung bakit hindi na nakapagpakuha, ngunit hindi na rin niya maalala ang dahilan. Mula nang pumanaw ang aking ama, nakapangibang-bansa rin ang lima kong nakatatandang kapatid. Ngunit bawat paglisan, tila ninanakaw sa amin ang tuwa ng pagiging buo, at kahit nakabalik na sila, hindi na rin naibalik pa ang nawaglit na panahong wala sila. Ang pagkaway na iyon ng aking ama sa hagdan ng eroplano ay siya palang wakas ng yugtong iyon. Ipinagiba ang inaanay nang bahay at pinalitan ng bago. Nawala na ang paboritong durungawan ng aking ama sa kusina, maging ang mga tinatanaw niya roon.

Matagal na akong tapos sa pag-aaral nang mapanaginipan ko ang aking ama. Dinalaw niya raw ako sa aking pamantasan. Niyaya niya akong mamasyal, at sabik na inilibot ko siya roon. Siyang-siya siya sa kanyang nakita. Bago kami maghiwalay, isang bar ng tsokolate ang iniabot niya sa akin, na aming pinagsaluhan. Iyon siguro ang gustong-gusto niyang ibigay sa akin noon. Danga’t kailangan ang maraming taon at isang panaginip, para matupad lamang ang isang iyon.

(Sa alaala ng aking ama, Venancio C. Sulit)

02/27/06

TALASALITAAN:

labing – isang munting bangin, talampas, o matarik na lupang pormasyon

ibong-bahaw – tinawag na gayon dahil sa bahaw (pangit) na huni

lakuan – lugar na pinagbebentahan; pinaglalakuan; akto ng paglalako

abuhan – mula sa salitang abo; lutuang ginagatungan ng kahoy; kalan

pangungumpay – pangunguha ng dahon o damong pakain sa hayop

pangangahanggan – pangangapitbahay

hilutin – haplusin, himasin, imasahe

barik – pang-uri, nakainom, lasing; pandiwa, uminom, maglasing

binababag – inaaway

mamay – lolo

pasador – sanitary napkin

tumpang – trompa, loud speaker

baysanan – kasalan

ANG MAS DAKILA

Posted: June 25, 2010 in Indibidwal

Walang tinig at tunog. Bahagya lamang ang liwanag, dito sa tapat ko, at ang lahat ay pawang anino. Gaya ni Mika, nagkamukha at nagkakulay paglapit sa mesa. Tinig niya, tunog ng tasa. Ngumiti ako, tumango. Tumalikod siya at naging anino muling paglayo. Dinig ko ang paglapat ng pinto. Humigop ako ng kape, at parang hanging kumawala ang ingay.

Nangangalahati ang kape nang ilapag ko ang tasa. Nakatuon ang mga mata ko sa papel na nananatiling blangko sa makinilya. Kumapa sa mga tiklado ang aking mga daliri. Tila tumakas ang hangin. Tigagal ang paligid.

Unang tipa. Ikalawa, ikatlo…ganap na ginapi ng makinilya ang gabi. Bumigat ang aking ulo. Tumiim ang anyo sa kaabalahan ng mga daliri. Nagsalimbayan ang mga imahen. Ratsada ng tambol. Martsa ng mga bota. Alingawngaw ng sirena. Mala-Olympus na siga. Watawat sa dilim. Mga ispatlayt. Paparating siya. Isa sa apat na kotse. ‘Yung pinakamahaba. Naghihintay ako.

Umunat ako sa aking upuan, minasdan ang natapos na unang pahina. Hinagud-hagod ko ng kaliwang kamay ang patak-patak na balbas sa baba ko. Huminto, dinampot muli ang tasa. Humigop.

Umaga, nagsasalita ang pangulo sa telebisyon. Tumuon ang kamera sa wumawagayway na natututukan ng mga ispatlayt. Nangibabaw doon ang kanyang tinig: “Lumipas na ang panahon ng takot. Ang ngayon ay sasaksi sa lakas ng nagkakaisang Filipino!”

Napasulyap ako sa pagbukas ng pinto. Si Mika. May dala siyang kape, dyaryo naman sa kaliwang kamay. Pagkaabot niya sa aki’y naupo siya sa kama sa tabi ko. Itinuon ang pansin sa nagmamartsang mga sundalo at nagpapalakpakang mga tao.

Binuklat ko sa pagkakatupi ang dyaryo. Larawan ng mapagliming pangulo. Hedlayn: BALAK NA ASASINASYON NAHAYAG.

“Sino ang papatay sa pangulo?” tanong ni Mika na hindi inaalis ang tingin sa telebisyon. “Kung noon pa,” tumingin siya sa akin, “baka sabihin kong ikaw.”

Sinalubong ko habang humihigop ng kape ang tinging iyon. Laging nang-aakit ang mga mata ni Mika. Pati ang tuwid niyang buhok na ngayo’y walang ingat na humahanggap sa puno ng kanyang dibdib. Nakasandong maputla lamang pala si Mika. Ang kanyang kabuuan ay rebelasyon ng kanyang karakter; mapanukso.

Dalawampu’t limang taon pabalik, hindi ko aakalaing maging ganito siya, mula sa limang taong gulang na batang naulila sa ama’t inang rebelde. Kung tatanawin siya sampung taon pa pagkatapos noon, sana’y lalo siyang nakakapukaw kung walang gora, dyaket at baril.

“Sagutin mo ako. Bakit papatayin ang pangulo?”

Hindi ako umimik. Ibinaba ko sa katabing mesita ang kape. Hinawakan ko ang kanyang bisig at itinulak ang kanyang katawan pahiga sa kama. Sinunggaban ko ang kanyang mga labi. Hinigit niya ang aking batok. Totoo nga, at ilang beses ko nang napatunayan, mas mainit nga ang isang amasona.

Mas mabilis at walang tigil ang pagmamakinilya ko ngayong gabi. Ang bawat titik ay tila bagang nag-iinit sa dibdib ko. papalapit siya. Magkikita rin kami. Hayun sa gitna. Umaaso ang palasyo sa diwa ko. Umaagos ang pagngangalit sa mga daliri ko.

Naputol ang sagitsit ng gripo sa lababo. Hinagip ko ang tuwalya at pinunasan ang mukha. Malabo ang repleksyon ng salamin sa harap ko. Tama lamang ang mukha ko sa maliit na kwadro niyon.

Dalawang kamay kong hinagod ang buhok sa may noo. Nakatulong din ang buhay sa bundok sa pagbabawas ng aking edad. Banat na noo. Buo, pangahang mukha. Matipunong pangangatawan. Sino ang magsasabing singkwenta’t tres anyos na ako? Si Mika ba?

“Imbitasyon, galing sa kolehiyo mo. Lektyur sa rebolusyon.”

Inabot ko kay Mika ang sulat. Political Science Society. Hanggang ngayon ba’y rebolusyon pa rin ang tanging interes ng mga estudyanteng ito? Naalala ko, gaano ko pinagtiyagaan sina Mao, Marx, at Lenin. Ukol sa gobyerno at mga lider – si Machiavelli ang panukat. Si Bonifacio ang pambansang bayani. Lahat ng may madudugong simulain, pinaniniwalaan ko. Hanggang burahin ko silang lahat. Ako na lamang ngayon. Ako.

“Pupunta ako” sabi ko pagdaka. May pananabik ba sa tinig ko?

“Espesyal na okasyon. Darating pala ang pangulo,” sabi ni Mika habang hawak ang seradura.

Ikinibit ko lamang ang balikat. Sumara ang pinto sa likuran ni Mika.

Walang tinig na palakpakan. Puno ng mga estudyante at panauhin ang awditoryum. Malayu-layo na rin nga ang ating narating mula noon. Pinong mga kilos. Mahuhusay na damit. Gawi ng mataas na lipunan? Magmumukha bang mababa at karaniwan ang mga taong may pera na ngayon?

Ang mga oras ay naging madugo sa muling pananariwa ng mga sugat ng digma. Minsan pa’y lumambong ang kulay-pula sa aking balintataw, mga watawat na pula, mga simbolong pula, damit na pula, katawang pula rin at walang buhay. Tahimik silang nakikinig. Ngayon ay nagbangon ang kasaysayan. Isa-isa, ang mga pahinang nabasa nila’y tila mga kaluluwang nagmamartsa ngayon sa kanilang mga ulunan.

“Naliwanagan kami,” anang lider-estudyante habang kumakamay sa akin.

Hugos ang marami para magpapirma. Gaya rin ng dati. Parang kami rin. Isa ang nagmamalaking iniabot sa akin ang isang lumang aklat. Saan niya nakuha ito? Hindi ba’t bawal itong basahin?

Natawag ang aking pansin ng papalapit na lalaking ligid ng mga lalaking nakaputi. Basta ko iniabot sa pulutong ng mga estudyante ang pinirmahang aklat.

“Pagkatapos ng maraming taon, ngayon ko lang uli kayo nakaharap,” aniyang mahigpit na hawak ng isang kamay at sapo sa kabila ang aking kanang kamay.

Mas matanda nga siyang tingnan sa personal.

“Dapat sana’y ako ang susundo sa inyo nang palayain kayo. Pero naipit ako sa huling engkwentro sa Bangui. Gayunma’y kasama ako sa mga sumaksi sa kasunduan sa palasyo. Doon ko kayo personal na nakita.”

Hindi ko naitago ang pagkagulat sa kanyang sinabi.

“Tama kayo. Dati rin ako sa kilusan. Siguro, para pagbigyan ang kasiyahan niya sa muli naming pagkikita. Pakiramdam ko nama’y kumubabaw sa aking ang buong bigat ng mga panahon.

Marahan kong ibinukas ang pinto ng aking silid. Nakasandal si Mika sa ulunan ng kama, nanonood ng balita. Tiningnan ko ang relo sa aking braso. Pasado alas diyes ng gabi. Tinanggal ko ang sapatos at pabagsak na nahiga sa kama.

“Kaya mo pa palang maging rebolusyonaryo,” nakangiting wika ni Mika na nakatutok sa isang bahagi ng panayam ko sa telebisyon. Nanlalata ako. Namimigat ang mga mata ko. Hindi magsisinungaling ang salamin kung ngayon di’y titingnan ko roon ang sarili ko.

Hinaplos-haplos ni Mika ang buhok ko.

“Hindi ka yata nasiyahan sa pinuntahan mo,” aniya.

“Dati rin siyang rebolusyonaryo. Ba’t hindi ko alam?” kita ko sa pagkakahiga ang mukha ng pangulo sa telebisyon.

Kahit sinong tanungin mo sa panahong ito, lahat aaming rebolusyonaryo sila. Hindi mahalagang kilala mo sila. Ang masama, kung hindi ka nila kilala.”

“At lahat sila’y dinadakila,” bulong ko sabay ng malalim na buntonghininga.

Hinalikan ni Mika ang noo ko, pababa sa pisngi, sa labi. Hindi ako kumibo. Inihimlay niya ang kanyang ulo sa dibdib ko.

“Mas dakila ka,” bulong niya roon.

Mabibigat ang bagsak ng mga tiklado sa papel. Lalong maingay ngayon ang makinilya. Wari’y kakabit nito ang humuhugong kong utak. Ang utak at ang mga daliri at ang makinilya ay kabit-kabit at isang katauhang kaisa ko sa aking balak. Dumidiklap ang mga imahen. Dumadagundong.

Muli, ang mukha ng pangulo.

“Binisita ko ang mga kumpanyang Filipino sa Vietnam at Myanmar, at matatag lahat ang kanilang mga katayuan. Tatlo sa mga ito ay mamumuhunan sa mga rehiyon ng Borneo at Java sa paghahati ng taon. Sa malao’t madali, mapapanatag ang teknolohiya’t iba pang kaisipang Filipino sa buong Asya. Ito ay utang natin sa isang henerasyong mulat, makabayan, at malaya.”

Napatunghay ako sa biglang pagkakagulo. Sa silid, kitang-kita sa telebisyon ang tumilamsik na dugo mula sa may balikat ng pangulo. Mabilis ang galaw ng kamera. Sa isang dako, pigil-pigil ng mga pulis ang nagpupumiglas na lalaking may hawak na baril. Sa isa pang eksena, nasa istretser ang walang malay na pangulo, sa gitna ng komosyon, mabilis na isinasakay sa ambulansya. Pagkatapos noon ay ang mukha ng babaeng reporter: “Sa naganap na pagtatangka sa buhay ng pangulo kaninang umaga, nagsimula na naman kaya ang anarkiya sa lipunang Filipino?”

Dinampot ko ang remote control at pinatay ang telebisyon.

“Naapektuhan ka ba?” tanong ni Mika.

“Hindi. Naiinis lang ako,” tugon ko. inilipat ko ang ulo sa kama.

“Naiinis ka dahil humina ang trading ng stock market? O dahil trip lang pala ng lalaking iyon na barilin ang pangulo?”

Parang lalong nakakainis ang tanong ni Mika.

“Matutulog na ako,” sabi ko.

Tumayo si Mika. Buhay na buhay ang dibdib nito sa kaluwagan ng pantulog.

“Lilipat na ako sa kabila,” aniya at saka tinungo ang pinto. Lumingon ito nang hawak ang seradura. “Matulog ka nang maaga, o kung pwede, lagyan mo ng salyenser ang makinilya.” Saka tuluyang tumalikod. Gayunman, maingat ang pagkakalapatniya ng pinto.

Dati, malaking-malaki ang pitagan, o takot, sa akin ni Mika, at ng lahat ng kilusan. Delikadong salungatin ang mga salita ng supremo. Kasalanan sa supremo. Hindi lamang pag-aari ang ibinabahagi mo. Pati buhay ay nagiging pagmamay-ari ng supremo. Ang supremo ang kilusan.

Ganito na nga lamang siguro ako. Hindi ko naisip, nang sama-sama kaming bumaba sa bundok sa ngalan ng kapayapaan at bagong pamumuhay, nawala na rin ang awtoridad ko. Nabago naman ang sistema, nareporma ang gobyerno…ang mga tao, pero gayunman, nawala na rin ang lakas ko sa lipunang ito. Isang karaniwang mamamayan!

Tuloy ang pilantik ng mga tiklado. Iba’t ibang letra. Iba’t ibang salita. Siguro, sa kabilang silid ay pabiling-biling sa higaan si Mika. Pero wala siyang magagawa. Aking ang bahay na ito.

May lakas pa pala ako, kahit papaano, sa bahay ko. At sa paborito kong makinilya. Sa mga papel. Ako ang utak ng lahat na ito. Ako ang masusunod dito.

WALANG MAMAMATAY-TAO SA PILIPINAS, nakasulat sa mahabang istrimer sa Rizal Park. Malapit-lapit na ang National Library. Nadaanan ko pa sa aking kotse ang pulutong ng mga taong nakakamisetang puti. May misa. Sa unahan pa, isa uling mahabang istrimer: HUWAG KANG PAPATAY.

Dakila ka na naman, mahal na pangulo. Swerte mo, nakipagkaisa ako sa gobyernong ngayo’y nasa poder mo. Magaling kang lider? Baka nga. O talagang swerte ka lang. akalain mo, kumaripas ng takbo ang nililintik na ekonomiya noon.

May utang ka pa rin. May utang pa rin ang lahat sa akin.

Inihinto ko ang kotse. Pagkababa, tuloy-tuloy ako sa pintuan ng laybrari. Paglampis ko sa gwardya, sandali akong natilihan-humalakhak siya sa likuran ko.

Nilingon ko siya sa pag-akyat ko sa hagdan. Titig na titig siya sa akin nang may nanunuyang ngiti. Binawi ko ang aking tingin. Bumunghalit ang halakhak.

Sa comfort room ako nagtuloy, minasdan ang sarili sa salamin. May nakakatawa ba sa itsura ko? Tumagilid ako, tumalikod, nilingon ang sarili. Humarap. Napangiti ako. Sino ang mag-aakalang singkwenta’y tres na ako?

May pumasok na lalaki. Minasdan ko siya sa salamin. Nakadyaket na itim, nakasalaming de-kulay. Tuloy-tuloy siya sa ihian nang hindi tumitingin sa akin. Hindi ba niya ako nakikilala?

Humakbang ako palabas. Naramdaman ko ang kanyang sulyap. Bahagya akong lumingon. Tapos na siya, papalabas na rin. Marahan akong humakbang. Nakiramdam. Nilampasan niya ako. Saka lumingon bago pumasok sa isang silid.

May isang oras din ako sa loob, binuklat-buklat ang mga lumang peryodiko, binalik-balikan ang mga salaysay ng nakaraang panahon. Muli, bumangon ang mga pulang anino, nagmartsa sa harapan ko, pulu-pulutong, sumisigaw, umaawuit, nanunumbat. Hayo, mapaglayang hukbo! Baguhin ang lipunan! Puksain ang mayayabang! Ang mga pulitiko! May ranggo! Ang tutang pangulo! Ako ang pakinggan n’yo! Ako ang tama! Ako ang supremo!

“Sige ho, sir,” may bahagyang saludong paalam sa akin ng gwardya.

Hindi ko siya pinansin. Mabilis akong nanaog sa ilang hakbang ng labasan. Nakiramdam ako sa muli niyang paghalakhak. Wala.

Sumakay ako ng kotse, umakmang pihitin ang susian. Natigilan ako. Ang lalaki sa comfort room. May masama siyang balak. Nagpauna, lumingon. Lumang istilo. Mas huhusay pa ba siya sa akin sa terorismo?

Matagal na nanatili sa susi ang kamay ko. Naglalaro sa isip ko ang isang hinala. Sasabog. Sasabog. Gumiti ang pawis sa noo ko. Pakiramdam ko’y umahon ang puso ko sa aking lalamunan. Lumunok ako, maiilap ang mga matang tumingin sa paligid, hanggang sa isang bukas na bintana sa ikalawang palapag ng laybrari. May nakadungaw ba? Isang lalaking nakadyaket na itim at nakasalaming de-kulay?

Binitiwan ko ang susi, lumabas ng kotse, at naupo sa isang bangkong bato sa di-kalayuan. Naghintay ako. Naghintay sa pagsabog ng kotse. Ilang beses kong sinulyapan ang relo sa braso. Diyes minutos. Beynte minutos. Trenta. Kinuha ko sa kaliwang bulsa ang panyong kulay abo; pinunasan ang pawis sa noo, sa leeg, sa batok. Tumayo ako at bumalik sa kotse. Tumanaw pa muna ako sa bukas na bintana. Walang tao. Bago tuluyang pumasok. Inistart ko ang kotse.

“May nagbabanta sa buhay ko, Mika.”

Blangko ang tingin sa akin ni Mika, may bahid ng alinlangan.

“Sino naman?” tanong niya.

Hindi ako sumagot. Humigpit-lumuwag ang magkadaop kong mga palad sa aking pagkakatayo.

“Magpahinga ka muna. Masyado kang natagalan. Matrapik ba?”

“Hindi pa niya nagawa. Sa sunod sigurong pagkakataon,” bulong ko na di iniintindi ang tanong ni Mika.

Napadakong muli ang paningin ko sa kanya. May pagtataka sa kanyang mukha.

“Narinig ko. Oo, matrapik. Kung natagalan pa ako sa loob, siguro…ka-bumm!…”sabi kong may mwestra ng mga kamay.

Umiling si Mika. Natigilan ako.

“Ikukuha kita ng kape,” aniya at tumalikod.

Naupo ako sa gilid ng kama. Nahiga. Pagkuwa’y bumangon muli. Kinapa ko sa katabing mesita ang remote control. Unang pisil, humahalakhak na mukhang demonyo sa kartun. Ikalawa, nagtatawanang mga tinedyer. Isa pa. Isa pa. Komersyal naman: negrong tumuturo-turo at masamang makatingin. Pinatay ko ang telebisyon. Bumalik na si Mika.

Inabot ko ang hawak niyang kape. Unang higop. Sinalat-salat ko ng dila ang likurang balat ng ibaba kong nguso. Madalas na matanggal dito ang balat kapag umiinom ako ng maiinit.

“Narinig mo ang balita kanina? Ligtas na ang pangulo,” ani Mika pagkaupong nakapatong ang mga paa sa kama.

“Hindi ko binuksan ang radyo ng kotse.”

“Bobo talagang bumaril,” pagkuwa’y patuloy ni Mika. “Malapit na, pumalya pa. Sentensyado pa siya ngayon.”

“Kung ako ang lalaking iyon, ano ang iisipin mo?” tanong ko.

“Hindi ko iisiping ikaw,” tugon niya. “Pero kung ikaw,” dugtong niya, “siguradong mababa ang watawat ngayon.”

May tiwala pa pala sa akin si Mika.

“Kung ako ang nabaril?” pagkuwa’y muli kong tanong.

Matagal niya akong tiningnan. Hindi ko alam kung nakangiti siya o ano.

“Balita,” simple niyang sagot.

LIDER NG REBOLUSYON, PINASLANG. Malakas na impak kaya? Baka mabuhay ang kilusan. Kaya? Nasaan na kaya ang mga taong iyon? Mapepera na siguro,. Naging mabuting kredensyal pa ang pagiging rebolusyonaryo nila. Swerte talaga. Swerte.

At ang papuri’y kinanya ng istupidong pangulo – ang pangulong nagpapanaog sa mga namumundok.

“Sige nga, sabihin mo ang nagawa ko.”

Halatang natigilan si Mika sa sinabi ko.

“Sabi ko, ano ang mga nagawa ko?”

“Kailangan pa ba?” tanong niya.

“Kailangan. Kahit ngayon lamang.”

Tumungo si Mika. Tumayo.

“Huwag na. Saka na,” aniyang tutunguhin ang pinto.

Hinagip ko ang kanyang braso.

“Hindi, Mika. Kailangang ngayon na. Gusto kong marinig kung may nagawa ako. Baka bukas maaksidente ako… o mapatay!”

Muling naupo si Mika sa gilid ng kama.

“Di ba, sabi mo noon, hindi mahalaga ang sarili. Ang mahalaga’y ang mararating natin. Tingnan mo ang bayan mo. Iyan ang nagawa mo,” aniya na hindi tumitingin sa akin. Tumayo siya sa ilang saglait.

“Ihahanda ko na ang hapunan.”

Nanatili lamang akong nakatitig sa kanya hanggang siya’y makalabas at sumara ang pinto.

Sa hapag, bahagya akong nakakawala sa mga isipin. Masarap ang pagkakaluto ng putsero. Pati ang dalawang putahe ng lamandagat na si Mika ang nakakaalam sa tawag. Mabango ang kaning denorado.

“Ano nga ang malimit nating ulam sa bundok?” nakangiti kong tanong.

“Hangin yata,” napatawa siya. Hindi, isdang ilog – kung may ilog – dalag, hito, minsan igat kapag bagong baha. Kabute, ah tagakuha kami niyan noong maliliit kami, sa sagingan. O kaya’y palaka, dagang-bukid. Pag walang engkwentro, nagkakarne rin at lamandagat. Pag may sundalo, bala,” ani Mika, na parang isang musmos sa pagsasalaysay.

Sabay kaming nagtawanan.

“Tanda ko, isa lang lagi ang suot mo,” aniko, Hindi ka yata nagpapanti no’n, e…” napahalakhak ako.

“Sshh… kumakain tayo.”

Nauwi sa ngiti ang mga labi ko.

“Kaylaki ng ipinagbago mo, Mika.”

Sumubo ako, ninanamnam ang naghahalong tamis at alat sa bibig.

“Sa lahat, laging madaling baguhin ang tao,” ani Mika.

Inangat ko ang baso ng tubig at uminom nang kaunti.

Diklap sa paningin. Pula. Patak-patak na pula. Kalantog ng platito’t tasa. Napatunghay ako mula sa pagkakasubsob sa mesa, ang makinilya sa harapan ko. nakatulog pala ako. Ramdam ko, umaaso ang aking mga punong taynga. Nag-iinit ang aking dibdib.

Nakita ko ang kape. Nasaan si Mika? ‘Kala ko, kapapasok lamang niya. Siguro natakot akong gisingin. Nangiti ako. Nadako ang paningin ko sa papel sa makinilya. Mamaya na ang kape.

Hinigit ko ang papel—ang huling pahina. Napahalakhak ako. Kayluwag. Kaygaan ng pakiramdam. Pabagsak akong sumandal sa upuan, binasa ang nakasulat sa papel. Diklap sa paningin. Pula. Patak-patak na pula. Kumikinig. Umaagos na pula. Matingkad. Pula. Pula.

Ngayong natapos na, naniniwala ako, nagawa ko na. Magkagulo kayo ngayon!

Bumukas ang pinto. Si Mika.

“Nagising ka rin. Inumin mo agad ang kape, lalamig,” aniya roon.

Nakita ko, napatda si Mika. May pangamba sa kanyang mukha.

“Bakit Mika, may problema ba?”

Hindi siya sumagot. Pagdaka’y lumabas ng silid.

Kinuha ko ang maliit na salamin sa mesita. Baka sa mukha ko. Sa tingin ko, may ningning sa repleksyon. Nangiti ako. Sinong magsasabing singkwenta’y tres na ako?

Muli akong umunat sa upuan mula roon, hawak ang huling pahina. Nagawa ko rin. Natapos ko rin. Hayun sa gitna! Timbuwang na bayani! Humalakhak ako. Malakas. Wari’y napakaluwag ng lalamunan ko. Pero nag-iinit ang dibdib ko, ang mata, ang punong taynga.

Kinuha ko ang kape. Napatigil ako paglapat ng tasa sa aking labi. Muli, dama ko’y umahon ang aking puso sa lalamunan ko. Binitiwan ko ang tasa. Nabasag iyon sa sahig. Kumalat ang laman at humanggan sa laylayan ng padyama ko.

Napahangos ako sa pinto.

“Mika! Mika! Bakit, Mika!”

Napaurong ako pagbukas ko ng pinto. Ang lalaki! Natunton niya ako!

Tinatagan ko ang aking tinig.

“Kasapakat ka ni Mika, alam ko. Kasapakat kayo ng pangulo!”

Kinusot ko ang mata ko. Lumabo-luminaw ang lalaki sa harap ko. Tinungo ko ang mesa. Ibinukas ang drower niyon.

Humina-lumakas ang boses ng lalaki sa dinig ko.

“Sinusundo mo ako? Malaya na? Sinong nagpasundo? Ang pangulo?” dinampot ko ang mga papel sa mesa, “Wala. Wala nang pangulo. Pinatay ko na ang pangulo. Hindi n’yo ba siya nakita sa harap ng palasyo? Pulang-pula siya. Pulang-pula sa dugo! Hanggang wakas, ako pa rin, ang supremo, ang mangunguna sa inyo! Lalaging pula ang lipunana, hangga’t narito ako! Ideya ko ang lipunang ito! At laging ako ang panginoon ng ideya ko! Ako ang supremo!”

Kinuha ko ang lumang rebolber sa drawer.

“Humayo ka na, sino ka man, ano man ang sadya mo. Hindi ako sasama. Hindi ako pupunta sa sinasabi mong pangulo. Sa pagkakataong ito, hindi ko ibibigay kanino man ang karangalan…”

Daloy, Tomo IV, Bilang 1, 1994

SI LOLO KARYO

Posted: June 25, 2010 in Kapayapaan

Nag-aapoy sa galit ang mga mata ni Cornelio habang patuloy na nagbubuga ng kamatayan ang armalite na kanyang hawak. Nasa karurukan ng kilos-opensa ang mga tropang militar na kanyang kinabibilangan laban sa pangkat ng mga rebeldeng nasukol sa pinagkukutaang gubat.

Mula sa malayo’y sumambulat ang kubkubang pawid kasabay ng wari’y tinibang paghapay ng mahabang tagdang kinasasabitan ng pulang bandila. Ang kanina’y walang humpay na putukan ay unti-unting dumalang hanggang tuluyang magapi ang puwersa ng mga rebelde.

Natahimik ang paligid. Nanaig ang mga daing at panaghoy na sumasaliw sa langutngot ng nagliliyab na kuta. Ang mataas nang sikat ng araw ay tumatanglaw sa nangakahandusay na bangkay at mga agaw-buhay. Wala nang putukan, ang maririnig na lamang ay ang mga tinig ng nagsisiyasat na mga kawal, ang kumakalantog nilang mga sandata, at ang mga yabag ng nakabotang mga paa nang sila ay papaalis na.

Labis nang napalayo sa mga kasamahan si Cornelio na patuloy pa ring gumagala sa masukal na gubat. Bitbit ang armas, panatag ang kaloobang naghanap siya ng daang pabalik sa kampo. Natitiyak niyang iniwan na siya ng kanyang mga kasama at kailangang makalabas siya ng gubat na iyon bago kumagat ang dilim.

Pagsapit sa kakahuyan ay pinukaw ng marahang pag-ungol ang kanyang pandinig. Tinalunton niya ang pinagmumulan niyon habang nakaumang ang armalite. Pagtapat ay kanyang hinawi ang makapal na damuhan, doon ay tumambad sa kanya ang isang sugatang rebelde.

Poot na itinutok ni Cornelio ang hawak na armalite sa rebelde, handang magpaputok anumang sandali.

“Huwag!” anang nakahandusay na rebelde, tigmak ng dugo ang putting kamiseta.

Tumiim ang anyo ni Cornelio, lalong humigpit ang hawak ng mga kamay sa armalite. Gumala naman ang mga paningin ng rebelde hanggang sa mapadako sa gawing likuran ni Cornelio.

“Sa likod mo….” Pabulong na himatong nito.

Hindi natinag si Cornelio.

“Gusto mo akong linlangin, ha? Huwag mo nang ituloy. Hawak ko ang buhay mo sa pagkakataong ito. At kung nanaisin ko’y maaari kitang patayin, kahit ngayon din….” aniya sa rebelde.

Muling sumulyap ang rebelde sa kanyang likuran. Pagkatapos ay matalim ang mga matang tumitig kay Cornelio. Bigla, itinulak niya ang kawal. Kasabay noo’y umalingawngaw ang isang putok.

Natilihan si Cornelio sa naganap. Nang makabawi’y pinaputukan ang dakong pinagmulan ng putok. Narinig mula roon ang impit na pagdaing. Lumapit siya at dinatnan sa nahawang sukal ang isa pang rebelde, tadtad ng mga bala ang walang buhay na katawan.

Kapagkuwa’y hinarap niya ang rebeldeng nagligtas sa kanya.

“Tulungan mo ako…” wika nito sa tinig na sumasabay sa marahas na paghinga.

Pagkawika’y noo’y pinanawan ito ng ulirat. Yumukod si Cornelio at walang pag-aatubiling isinaklang sa balikat ang lupaypay na katawan ng sugatan.

Makalipas ang mga sandali’y sumapit sa mabatong baybayin ng batis ang dalawa. Napatda si Cornelio, wala silang dinaanang batis nang pasukin nila ang nasabing gubat.

Inilapag niya sa tabi ng nakabarandal na puno ang wala pa ring malay na rebelde. Pagkatapos ay hinubad niya ang pang-itaas ng kanyang uniporme at tinungo ang kalapit na batis.

Pagkalusong ay nilinis niya ang marusing na katawan. Makailang-ulit siyang sumalok ng tubig sa mga palad upang tighawin ang nadaramang uhaw. Mula sa baywang ay kinalag niya ang sisidlang lata at inilubog sa tubig. Nang mapuno ay umahon siya upang balikan ang rebelde.

Hindi pa rin nananauli ang huwisyo ng sugatan. Pinunit ni Cornelio ang kamiseta nito at binasa ng tubig. Nilinis niya ang mga sugat sa kaliwang braso at sa balikat ng rebelde. Luminga siya sa paligid at pagkakita sa isang puno ng bayabas ay kagyat na inabot ang mga dahon sa nakalaylay na sanga. Matapos ngatain sa bibig ang mga ito ay itinapal sa mga sugat at saka binendahan ng pinirasong damit.

Napakislot ang rebelde nang makanti ang benda ang kanyang mga sugat.

“Ikaw…?” pabulong na wika.

Ipinagpatuloy ni Cornelio ang ginagawa.

“Pansamantala, makakabuti ito sa iyo…” aniya pagkatapos.

Pinagmasdan ng rebelde ang mga benda, saka muling sumandal sa puno.

“Salamat….”

“Salamat din sa iyo. Iniligtas mo ang buhay ko, “Ba’t mo nga pala ako iniligtas kanina?” tanong niya habang inaayos ng rebelde ang sarili.

“Kung hindi ko ginawa ‘yon, maliligtas naman kaya ako? Ang taong babaril sa iyo ay isa ring sugatan, paano pa niya ako matutulungan?”

Napakunot ang noo ng rebelde nang maramdaman ang nanunuot na hapdi.

“Naging traydor ka sa kasama mo, hindi ka naman nakakatiyak na tutulungan kita pagkatapos…” arok ni Cornelio habang iniaabot sa rebelde ang sisidlan ng tubig.

“Kung hindi mo ako tinulungan, ikaw naman ang lalabas na traydor sa aking paningin….” tugon ng kausap.

Lumagok ng tubig ang rebelde.

“Ako nga pala si Sarhento Gomorra…. Cornelio Gomorra. Ikaw?”

“Rodelio Mailig ang pangalan ko. Ka Deo ang bansag sa akin…”

Natigilan si Cornelio sa narinig. Ka Deo, pangalang mainit sa listahan ng mga militar. Noon lamang makalawa ay inihayag ng hukbo ang malaking halagang nakapatong sa ulo nito, patay man o buhay.

Malamlam na ang aikar ng araw nang kanilang bagtasin ang mga tagong bahagi ng gubat. Nakahanda si Cornelio sa anumang mangyayari. Rebelde ang kasama niya at hindi malayong manaig ang nakakubling damdamin nito laban sa mga sundalong tulad niya. Nagpauna siya sa paglalakad upang hawiin ang mga yagit na bumabalakid sa kanilang daraanan.

Samantala’y nag-iisip si Ka Deo ng paraan upang makatakas.

Nakatisod ang rebelde ng isang putol na sanga sa lupa. Sa isipan niya ay kumislap ang maitim na balak. Dinampot niya ang sanga upang ihampas sa ulo ni Cornelio.

“Sandali, Ka Deo…” lingon ng kawal na rebelde.

Naudlot si Ka Deo sa gagawin.

“Napapatulin pala ako. Nawala sa isipan ko na may kasama nga pala ako,” wika ng kawal.

Napatingin si Cornelio sa sangang hawak ni Ka Deo.

Hustong takipsilim nang makatanaw sila ng dampa sa di-kalayuan.

“Tao po!” tawag ni Cornelio nang malapit.

Walang tumutugon.

Itinulak ang pintuang kawayan. Lumangitngit ang kabuuan ng dampa na yari sa kahoy at tagni-tagning kugon. Hustong pumapasok ang dalawa nang mula sa loob ay pumailanlang ang mga punglo.

“Dapa! Dapa….! sigaw ni Cornelio.

Tumigil ang mga putok. Nangibabaw ang isang paos na tinig mula sa pinagkukublihan.

“Magpakilala kayo!”

Hindi agad nakapagsalita ang dalawa. Sa pagkakadapa’y kanilang pinagmasdan ang loob ng dampa. May mga lumang baril na nakasalansan, mayroon ding isang lumang machine gun, mga bala at kung anu-ano pa.

Mula sa kinatataguang hukay ay lumabas ang nagmamay-ari ng tinig. Napabalikwas ang dalawa sa pagkabigla nang matunghayan ang taong nagpaputok sa kanila. Isang matandang lalaki na nakasuot ng kupas na unipormeng kaki, hawak sa butuhang mga kamay ang gusgusing helmet na bahagyang nagkukubli sa kulubot na mukha.

Nilapitan sila ng matanda, nakaumang ang sandata.

“Aki’nang baril mo,” matigas na wika ng matanda.

Atubiling iniabot ni Cornelio ang kanyang armalite.

Kinagabihan, makaraang alisin ang mga tingga sa mga sugat ni Ka Deo ay nagsalo sa isang hapunan ang tatlo.

“Lolo Karyo, bakit hindi pa ninyo lisanin ang gubat na ito at magbalik sa inyong pamilya?” ungkat ni Cornelio habang kumakain.

Pumiraso ang matanda sa inihaw na labuyo saka tumugon.

“Wala na akong dapat pang balikan, nangamatay na silang lahat noon pang panahon ng Hapon. Saka hindi pa tapos ang digmaan, kailangan pa ako sa gubat na ito.”

Tumawa nang malakas si Ka Deo.

“Huwag kayong magbiro, Lolo. Matagal nang tapos ang digmaan….”

Matalim ang mga matang umibis mula sa hapag ang matanda.

“Tingnan nga ninyo ang inyong mga sarili…saka ninyo sabihin sa akin na tapos na nga ang digmaan. Kayong mga bagong mukha, kinalimutan na ninyo ang mga adhikaing ikinasawi ng inyong mga ninuno. Hanggang kailan pa ako magtitiis? Hapung-hapo na ako,… patahimikin n’yo naman ang bayang ito.”

Pagkasabi niyo’y iniwan ng matanda ang dalawa.

Umaga, ginising si Cornelio ng kung anong bagay na lumagpak sa kanyang dibdib. Dahan-dahan niyang iminulat ang mga mata. Sa malabong paningin ay naaninag niya si Lolo Karyo na nakatayo sa may dakong paanan, suot ang unipormeng kaki at ang helmet. Tuluyang nabuksan ang kanyang mga mata. Kasabay noon ay naglaho sa kanyang harapan ang matanda.

“Ka Deo, gising!”

Naaalimpungatang bumangon ang rebelde.

“Bakit ba….?”

“Si Lolo Karyo….nawala! At ang dampa….?

Sinaklot ng hindi maipaliwanag na damdamin ang dalawa sa nakita. Walang nalabi sa kanilang kinaroroonan kundi ang apat na mga haligi ng dampa. Kaaagad na hinanap ni Cornelio ang kanyang armalite sa salansan ng mga baril na ngayon ay natatakpan ng ligaw ng mga halaman.

“Ito ba ang hinahanap mo…?” si Ka Deo. Humakbang si Cornelio upang abutin ang baril ngunit isang lumang kuwadro ang kanyang natisod. Dinampot niya iyon at tiningnan ang larawang naroroon.

“Ano ‘yan, Sarhento?”

Lumapit si Ka Deo upang pagmasdan ang larawan.

“Colonel Macario Guerra. Hindi kaya si Lolo Karyo ‘yan?”

“Pero patay na si Col. Guerra, nasawi siya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Imposibleng siya si…” gumapang ang kilabot sa katauhan ni Cornelio. Kiuha niya ang uniporme ng matanda at binasa ang pangalang nakasulat doon. – Col. Macario Guerra.

Noon din ay hilakbot na lumisan ang dalawa.

“Ano ngayon ang binabalak mo?” tanong ni Cornelio nang malayu-layo na sila.

“Hindi ko alam, malilito pa rin ako…” tugon ni Ka Deo.

“Magbagong-buhay ka, tutulungan kita,” wika ni Cornelio.

Saglit na natigilan ang rebelde.

“Palagay ko nga, Sarhento. Para matahimik naman ang bayan….”

Huminto sa paglalakad si Ka Deo at lumingon sa kanilang pinanggalingan.

*Nalathala sa Liwayway noong Enero 6, 1992.

REQUIEM

Posted: June 25, 2010 in Indibidwal

Kailangang ituring mo na hindi kamatayan ang magbabalik sa kanya sa iyo, kundi buhay

- mula sa Joseph and His Brothers ni Thomas Mann

Naglalaro ang butil-butil maliwanag sa aking paningin. Makiraw. Matagal. Hanggang sa lamunin ng karimlan ang nanganganinag nilang mga hugis. At umiging ang aking mga taynga. Dama ko’y idinuruyan ako ng hangin….kreeeekk!

Dahan-dahan, kuya. Dahan-dahan.

Nalagot na tila marupok na lubid ang kamalayan ko kasabay ng pagpuslit ng nakasisilaw na silahis mula sa kawalan.

BLAG!

Nagliparan ang itim na mga ibon palayo sa bumalabag na pintuan. Sinalubong ako ng tumatawang ningas ng isa sa mga sulo sa dinding ng nilulumot nang simbahan. Iginala ko ang aking paningin. Lumagom sa aking pandinig ang alingawngaw ng mga pintuang isa-isang nagsisara. Dumagok ang kaba sa akingdibdib. Mula sa bukas na mga durungawa’y naglalagos ang humuhugong na hangin. Nagsisihuni ang mga ibong namumugad sa kung saan-saang dako, nakakangilo. Gumapang ang kilabot sa aking katawan. Sa nababakbak na sahig ay marahang umuusad ang aking anino, bumabakat sa paanan ng gapok na rebulto ng anghel, sa hanay ng mga upuan, sa tatlong baitang ng altar. Sinibat ako ng nakakatulig na tunog sa aking kinatatayuan. Diniinan ko ang aking mga taynga. Patuloy na nagsumiksik ang tunog, humihiwa sa aking kalamnan. Naglagutukan ang aking mga buto. Umigting ang aking bungo. Ramdam ko ang pagtibok ng aking mga mata, ng naglilitawang mga ugat. Tumataas ang aking dugo, hinahalukay ang lamang-loob, hinihigit pataas ang sasabog na puso.

Aaaahhh!…

Unti-unti, nagkapatlang ang tunog, pahina nang pahina, hanggang sa maging iging, pagkuwa’y bulong. Pagkatapos ay—.

Katahimikan. Sumara ang huling pinto sa gilid ng altar. Wala na siya. Nag-iisa na ako—isang katawang walang anino. Kinapa-kapa ko ang aking ulo. Napuno ng lagas na mga hibla ng buhok ang aking kamay. Dinama ko ang aking pisngi, ang labi, ang ilong, ang talukap, ang pilik ng mga mata. Ang balat ko’y bahagyang lumuyloy; nalasog ang mga ugat. Tinangka kong umupo, subalit muling umihip ang hangin.

- En el Hombre del Padre,

Napalingon ako.

- del Hijo,

At muling lumingon.

- del Espiritu Santo,

Lumingon.

- Amen.

Wala.

Umingit ang malaking pintuan sagawing kanan, malapit sa santong putol ang kaliwang brasong marahil ay may krus, tungkod, o kung ano. Nanatili itong nakaawang sa loob ng ilang saglit. Saka muling sumara, nag-iwan ng basag na alingawngaw.

Nanaig ang mga babaeng tinig mula sa altar, pino at masisigla. Hindi ko sila nakikita. Hindi ko sila nauunawaan. Samantala’y binubuklat ng hangin ang mga pahina ng notang nakalahad sa organong namumuti sa agiw at alikabok. Sabay-sabay na umawit ang mga tinig sa unang tupa ng bungang tiklado. Ang nakapanlulunos na himig ay lumilibot, humahampas sa dinding na adobe, sa batingaw ng basag na kampana sa tore. Mula sa kisame’y nagsisiuga ang mahabang lubid na kinasasabitan ng nag-aapoy na mga kandilera.

Lumagitik ang pinakamalaking kandilerang nakayungyong sa tapat. Marahas itong gumagalw sa bigwas ng di-nakikitang lakas na hatid ng humahaluyhoy na mga tinig. Sindak akong napatigagal habang unti-unting bumibigay ang lubid. Sinikap kong igalaw ang mga paa subalit sakal ng takot ang buo kong kaatauhan. Kitang-kita ko nang kumalas mula sa kisame ang lubid, kumiwal-kiwal sa ere habang nagbabanta ang palawit na apoy sa aking ulunan. Tuluy-tuloy. Bumubulusok. Pababa. Pababa…

Bigla, bumukas ang bahagi ng sahig na aking kinatatayuan. Hinigit ako ng karimlan sa aking paanan, kabuntot ang nagliliyab na kandilera. Iglap ko pang nahagip ng paningin ang nangamatay na sulo, ang nagsisarang mga durungawan, ang nagsibukas na mga pintuan, ang nagsilipad na pabalik na mga ibong itim. Mabilis akong bumulusok, humahaginit sa dagat ng karimlan. Wala akong makita kundi anino, isang malaking anino. Gusto kong pumikit subalit ayaw ng aking mga mata. Tila mga karayom ang mga hibla ng hanging sumasalubong sa aking pagbagsak, binubunot ang aking mga balahibo, ginagabot ang aking buhok. Siguradong malalasog ang aking katawan, madudurog ang kaliit-liitang buto, pupulandit ang utak at dugo. A, gaano na lamang ang ikinaluray ng isang tumalon mula sa ikalimampung palapag.

Inapuhap ko sa karimlan ang wakas subalit wala akong mabanaag kundi hanay at hanay ng dilim. Tumingala ako. Ang kandilera’y sumabog na tila isang meteor—at tuluyang naglaho.

Sumambulat ang paligid pagsayad ng katawan ko sa nag-uumalpas na mga sungot ng liwanag. Napunit ang dilim at tila dahon akong lumapag sa kung saan.

Napukaw ang aking pandamdam ng pamilyar na tunog ng sumasagitsit na gulong. Sumunod ang tinig.

- Ulol! Magpapakamatay ka na ba? H’wag kang magdamay, peste ka!

Bumulaga sa aking paningin ang naghuhumindog na unahan ng nakahintong bus. Sa gilid ay nagsisungaw ang wari’y naguguluhang mga mukha. Hilong napaupo ako sa kalapit na bangketa habang tinatapunan ng nagtatanong na mga sulyap ng mga nagdaraan. Humarurot namang palayo ang bus, sa puwita’y nagbuga ng makapal na usok na lumangkap sa init ng katanghalian.

Saka ko lamang napansin ang relo sa aking braso. Kalas-kalas ang mga kamay nito’t puro lamat ang bubog. Tumayo ako. Lukut-lukot ang suot kong polong puti, ang kalahating laylayan ay nakasingit pa sa baywang ng pantalon. Hinagod ko ang aking buhok, muli’y nangalaglag ang patay na mga hibla. Huminga ako nang malalim. Tumungo. Humakbang. Napatda ako sa aking napuna sa paanan. Sinaklot ako ng kilabot.

- Mama, mama!

Hindi ako natinag. Sinundan ang tinig ng mariing kalabit sa aking braso. Itinaas, sa noo, sa leeg. Muli akong tumingin sa binatilyo. Titig na titig siya sa aking paanan. Kinabahan ako. Napuna na rin niya.

Sumenyas siya sa kanyang mga kasamahan. Nagtakbuhan silang papalapit sa kanya, anim lahat, nagbulung-bulungan habang nanunuri ang mga matang nakatingin sa akin. Sumabog ang takot sa aking kabuuan. Ano ang gagawin ko? Inaakala nilang ako’y isang aswang. Lintek na kathang-isip!

Kumaripas ako ng takbo, palampas sa mga taong naglalakad, sa unahan ng nangakahintong sasakyan. Aywan ko, subalit kaygaan wari ng aking katawan. Para akong papel na hinihigop ng ipu-ipo.

Lumingon ako. Sa likuran ko’y humahabol ang maraming tao. Galit ang kanilang mga anyo, iisa ang isinisigaw.

- Sugurin! Dakpin ang nilalang na iyan!

- Wala siyang anino!

- Hindi siya tao! Hindi tao!

Binilisan ko pang lalo ang pagtakbo. Nadagit ko pa ang babaeng nakamaang sa gilid ng bangketa, tumimbuwang sa kaharap na kanal. Maya-maya pa’y kasama na rin siya sa mga humahabol. Parami sila nang parami. Iisa ang mukha. Iisa ang hakbang. Nakakahingal, tila may bato sa aking dibdib. Lalawit ang aking dila. Hahh…takbo, takbo!

Gaano ba kahalaga ang anino sa tao? Sino’ng nagsabing walang anino ang aswang? May aswang ba? Haahh…papatayin nila ako. Dudurugin sa kanilang mga kamay, liligising parang kamatis!

Ang eskinita ang kaligtasan ko. Magtatago ako. Nilakihan ko ang hakdaw ng mga paa, palikwad na lumiko sa unang eskinita. Takbo pa rin, takbo. Kailangang mailigaw ko sila—

ARAY!

May pumatid sa aking paa, padapa akong bumagsak sa nangangamoy at mamasa-masang sahig ng makipot at madilim na eskinita. Masakit. Nabali yata ang butu-buto ko. Nanunuot ang tumutusok na hapdi sa aking gulugod. Hindi ko makayang tumayo.

Nanatili akong nakadapa, nakikiramdam. Hindi ako nasundan. Sa madilim na sulok sa unahan ko ay ang payak na ritmong likha ng pumapatak na mga butil ng tubig mula sa kung saan.

Napapitlag ako nang may tumapik na kung anong bagay sa aking puwitan, sinundan ng nanunuyang halakhak sa dakong paanan.

- Tumayo ka. Tayo!

Makapangyarihan ang tinig. Nagpilit akong bumangon. Tila kawayang naglagitikan ang aking kasu-kasuan. Gumuhit ang nagliliyab na hapdi. Muli akong bumagsak. Tumilamsik sa ibaba ng aking labi ang malansang hamog. Kumawala ang malalim kong hininga.

Muli’y pumunit ang halakhak, mas malakas kaysa kanina, na bahagya pang nabasag sa hulilng diin.

- Iyan ang sinasabi ko! Labis kayong nagpapaalipin sa pandamdam!

Umalingawngaw ang tinig sa gitna ng karimlan ng eskinita. Anim na ulit sa bilang ko. Nang mapawi’y lumatag ang katahimikan. Nanaig ang tunog ng pumapatak na tubig at ang salasalabid kong paghinga.

Muli, pinilit kong tumayo. Narinig ang malakas na lagutok mula sa aking batok. Matagal na nanatiling nakatuon ang mga kamay ko sa sahig. Ubos-lakas akong pumihit na paharap. Tumambad sa akin ang lalakeng nakaupo sa dakong paanan ko. Kalahati ng mukha niya’y nasisinagan ng liwanag na panakaw na naglalagos sa siwang ng mga yero sa itaas. Walang kulay ang litaw na kaliwang mata.

- Sino ka? tanong ko

- Ako ang dapat magtanong n’yan sa iyo. Ginambala mo ang aking karimlan!

Maingat akong umayos ng upo. Bahagya pa ring nangangalilt ang aking mga buto at kalamnan.

- Hinahanap ko ang aking anino, wika ko. Tinakasan niya ako!

- Anino?

Kumiling-kiling ang ulo ng bulag. Ngayo’y malinaw na sa akin ang kanyang anyo, isang matandang patak-patak ang tubo ng buhok, payat at marungis.

- Anino? ulit niya. Sino sa inyo ang pag-aari niya?

Naguguluhan ako.

- Ako ba ang kinakausap mo?

- Magtigil ka! Sila ang tinatanong ko!

Muli’y gumalaw-galaw ang kanyang ulo.

- Subalit…

- Sssshh… – itinapat ng matanda ang hintuturo sa kanyang mga labi, umayos sa pagkakaupo at sinalo ng mukha ang liwanag mula sa itaas.

- Ako’y alipin ng mga anino. Siyam na taon. Siyam na taon mula nang gapiin nila ang liwanag ng aking daigdig. Walang magawa ang tulad ko, kahit na ikaw!

Mariin ang tinig ng matanda. Samantala’y nagtatanong ang aking diwa.

- A, tungkol sa iyong anino – namutawi ang tila baliw na ngiti sa mga labi ng matanda – Ikaw lamang ang nakakakilala sa kanya. Sa daigdig ko’y iisa ang hugis ng mga anino. Kung alin ang sa iyo’y hindi ko alam. Subalit di ko naman sinasabing kailangan mo pang mabulag matagpuan lamang siya.

- Paano ako makakatiyak?

Humalakhak ang matanda. Naglaro sa loob ng eskinita ang alingawngaw ng kanyang tinig, ginapi ang sumasalingit na hugong ng mga sasakyan sa labas. Tinapos niya ang halakhak sa isang malalim na harok.

- Ba’t ako ang tinatanong mo?

- Sapagkat ang daigdig mo’y daigdig nila

- Mali! Mabubuhay ba ang anino sa dilim?

May kumalampag na kung ano sa sulok na di kalayuan sa amin. Sinundan yaon ng nalalaog na ngiyaw ng pusa—tinig ng musmos?

Nagpatuloy ang matanda, muli’y taimtim ang anyo.

- Ang daigdig ng mga anino ay ang liwanag—dito sila nabubuhay. Ang dilim ay aninong nagkakanlong sa liwanag. Kung kaya nga’t may dilim ay dahil may liwanag. Ang tao at ang anino ay sabay na isinisilang. Alam mo bang mula’t sapul ay nag-aagawan sila sa silahis ng liwanag?

Mula sa kabilang dako ng eskinita ay nanaig ang nakalulunos na sigaw ng isang babae. Natigatig ang aking kalooban.

- Kaya’t matakot ka sa dilim. Gagawa at gagawa ng…

- Hintay muna! – putol ko – Nanganganib ang babae!

- Pabayaan mo siya! Hindi mo alam ang nasa likod ng karimlang yaon. Gagawa at gagawa ng paraan ang anino upang angkinin ang liwanag. Pupuksain ka niya at ibabaon sa walang hanggang karimlan!

Nanghihimasok ang tinig ng matanda. Muli, ang sigaw. Hindi na ako makakatiis. Bigla akong tumayo. Gumuhit ang sakit sa aking likuran. Paghakbang ko’y dumulas ang aking paa. Patalikod akong bumagsak sa sahig.

Sumabay sa tili ng babae ang halakhak ng bulag.

- Ba’t ka makikialam?

- Dahil alam ko ang nagaganap! Kailangan kong tulungan siya!

- At kung hindi mo alam? Ang pagpapakabayani ay kathang-isip. Makakaya mo lamang iligtas ang iilan—lahat nang tatama sa iyong paningin, pandinig, pandama.

Patuloy ang tinig ng babae, ngayo’y isa nang kakila-kilabot na palahaw. Nagpilit akong bumangon, unti-unti.

- Ano’ng magagawa ng tulad mo?

Itinuon ko ang mga kamay sa sahig. Naningit sa pagitan ng aking mga daliri ang madulas at malansang likido.

- Isa ka lamang tao.

Napilit kong lumuhod, itinayo ang kaliwang binti habang nangangapa ng masasandigan sa pader. Umuukilkil ang tinig ng matanda.

- Isa ka lamang tao—isang taong walang anino!

Nakatutulig ang kanyang halakhak. Pabalik-balik ang alingawngaw sa magkabilang dulo ng eskinita. Walang tigil naman ang pagmamakaawa ng babae. Nagawa ko nang tumayo at ngayo’y paika-ika akong namamaybay sa pader. Patuloy ang tinig ng matanda.

- Hayan na, hayan na ang mga anino sa likuran mo!

Muli’y nagsalimbayan ang halakhak, ang tili, ang alingawngaw.

- Matakot ka sa dilim!

Hindi ako padadala sa kanyang mga salita. Isa siyang baliw!

- H’wag kang makialam! Wala kang kahulugan sa daigdig!

Pahina nang pahina ang tinig ng matanda habang ako’y patuloy na lumalayo.

- Hayan na ang mga anino!

Palakas nang palakas ang sigaw ng babae. Patindi nang patindi ang hugos ng liwanag. Nakakasilaw. Humihilam ang matatalim na silahis. Masakit. Kailangang kong pumikit.

- ANINO!

Hinahabol ako ng alingawngaw. Sinasalubong ako ng sigaw. Nakakarindi ang halakhak. Nakakalunod ang kaba. Pagod na ako. Nanganganib ang babae. Bakit ka makikialam? Tutulungan ko siya. Pagod na ako. Ano’ng magagawa mo? Tulong. Hahh…dilim. Matakot ka sa dilim. Hindi. Gagawa at gagawa ng paraan ang anino upang angkinin ang liwanag.

HINDE!…

Naging bulong ng hangin ang lahat pagsapit ko sa dulo ng eskinita. Wala ang babae. Ang sumalubong sa akin ay malagom na hudyat ng malaking orasan sa tore ng isang gusali. Dahilig na ang sikat ng araw. Sa lansanga’y patuloy ang daloy ng mga sasakyan at ng mga taong nagyayao’t dito—at ng mga anino.

Nasaan ang aking anino? Mamaya pa’y hihimlay na ang liwanag. Mahihirapan akong matagpuan siya. Magtatagpu-tagpo ang mga anino upang buuin ang dilim. Kailangang hanapin ko siya habang may liwanag. Subalit hindi ako makahantad. Sa mga sandaling ito’y kumakalat na marahil ang balita tungkol sa isang lalaking walang anino na bigla na lamang sumulpot sa gitna ng lansangan. A, kaylaking kabalbalan! Sino ang maniniwala?

Lintek!

Iniumpog ko ang aking ulo sa pader. Tatlong ulit. Humihingal na minasdan ko ang paligid pagkatapos. Walang nabago. Pinagsusuntok ko ang pader. Sunud-sunod. Tila tumatawa ang pader nang ako’y huminto. Napaknit ang balat ng aking mga kamao. Umaagos ang dugo sa litaw na mga buto. Mahapdi!

Ipinalag-palag ko sa hangin ang aking mga kamay habang pasandal na napapaupo. Tumanaw ako sa itaas. Mapula na ang araw. Nagkukulay-abo na ang paligid.

Tumindig ako at nagsimulang humakbang, nangunyapit sa mga bahagi ng guho sa tapat ng eskinitang pinaglagusan ko. Muli akong tumanaw sa papawirin. Parang hinihigit sa pagbaba ang araw. Tumatama ang matingkad sa dilaw na silahis sa inaanay ng mga piraso ng kahoy sa guho. Binilisan ko ang paghakbang. Hindi iilang beses na tumama ang aking mga paa sa durug-durog na mga bato—at saka ko lamang pinansin ang mga bahid ng putik sa aking sapatos. Ilang sandali pa’t sinapit ko rin ang gilid ng lansangan. Alanganing nagmasid ako mula sa kubling bahagi ng isang tindahan. Patuloy ang kaabalahan. Lalo pang kumapal sa dami ang mga tao habang nalalapit ang takipsilim. Muli ay magtatampisaw sa dilim ang sari-saring katauhan. Makata. Patapon. Kriminal. Walang pakialam. Hindi makapagpigil na mga magkasintahan. Nag-uulayaw na mga anino.

Napamulagat ako sa nakita. Isang maitim na hugis ang marahang umuusad sa lansangan habang dinaraan-daanan ng mga sasakyan. Walang nakakapansin sa payapa niyong pagtawid. Walang makakapansin. Hangga’t pagod ang araw, at nais maglibang ng daigdig.

Walang humihinto sa mga sasakyan. Sinulyapan ko ang ilaw-trapiko sa di kalayuan. Berde. Samantala’y makakalayo na ang maitim na hugis—ang aking anino. Umalon ang aking dugo. Matalim ang mga matang tinugaygayan ko ng tanaw ang anino. Humuhugong ang hininga ko sa aking mga taynga. Humahapon sa mga pilik-mata ang mga butil ng pawis, bumabalong sa aking paningin. Nagngangalit ang aking mga ngipin.

Nabulabog ang kakapalan ng mga tao nang sumisigaw kong tinakbo ang papalayong anino. Hindi ko na pansin ang paligid. Ayaw ko nang isipin ang magaganap. Kailangang abutan ko siya. Upang malubos ang aking pagiging tao!

Dumiklap ang aking paningin–

BLAG!

Nagliparan ang itim na mga ibon palayo sa bumalabag na pintuan. Lumitaw ang aking hugis sa sahig sa tanglaw ng tumatawang ningas ng isa sa mga sulo sa dinding ng nilulumot nang simbahan. Umalingawngaw ang kalampag ng mga pintuang isa-isang nagsisara habang sa bukas na mga durungawa’y naglalagos ang humuhugong na hangin. Walang buhay ang huni ng mga ibong namumugad sa kung saan-saang dako.

Bumukas ang huling pinto sa gilid ng altar. Kusang nagsindi ang apat na kandilang magkakatapat, inihayag ang tinatanglawang bukas na ataul.

Umingit ang malaking pintuan sa gawing kanan, malapit sa santong putol ang kaliwang braso. Nanatili itong nakaawang. Saka muling sumara, nag-iwan ng basag na alingawngaw.

Nanaig ang mga babaeng tinig mula sa altar. Samantala’y binubuklat ng hangin ang mga pahina ng notang nakalahad sa tigagal na organo. Sabay-sabay na nagsiawit ang mga tinig sa unang tupa ng bunging tiklado.

Requiem aeternam dona eis domine…

Umusad akong papalapit sa ataul, bumakat sa paanan ng gapok na rebulto ng anghel…

et lux perpetua luceat cis…

…sa hanay ng mga upuan, sa tatlong baitang ng altar.

Humanggan ako sa gilid ng ataul, dahan-dahang lumangkap sa hugis nito.

requiescat in pace…

Humugos ang butil-butil na liwanag. Makiraw. Matagal. Hanggang sa lamunin ng karimlan ang lahat.

Amen…

Umiging ang aking taynga. Unti-unti’y nanumbalik ang aking pandama. Iminulat ko ang paningin. Malabo sa una. Bilug-bilog at mapupusyaw na liwanag ang aking nakikita. Naging solidong mga hugis. Naging hanay ng mga titik.

Dinama ko ng kamay ang aking batok. Mahapdi. Namarkahan ng dugo ang aking mga daliri. Sa hapag ay nakamaang wari ang kulay-abong makinilya, sala-salabid ang tatlong tiklado mula sa pagkakasalo sa aking noo makaraang pukpukin ako ng kung sino. Dinampot ko ang katabing tasa ng kape, humigop. Malamig na. Sobra. Sinulyapan ko ang aking relo sa braso. Mag-aalas nwebe na. Ibig sabihi’y mahigit tatlong oras akong nawalan ng ulirat. Iginala ko ang aking paningin, animo’y hinalukay ang aking silid sa tanglaw ng patak-patak na liwanag mula sa study lamp. Binuksan ang hilahin ng kabinet sa gawing kanan. Walang laman. Nilimas ng walanghiya! Kinapa ko ang pitaka sa bulsa. Naririto pa, kumpleto.

Tumunog ang telepono sa hapag.

- Hello…

- ‘Nak ng… tapos na’ng deadline, nand’yan ka pa. Mahalaga ‘yang beat mo, Ed. Mamamatay na’ng pangulo’y hindi mo pa alam. Ano ka ba?

- Bos’, nanakawan ako.

- Nanakawan, nanakawan. Kapag di mo nai-submit on time ang report mo bukas, maghanap ka na ng malilipatang dyaryo.

- Tutoo ang sinasabi ko, bos’. Saka ngayon lang naman ako nahuli, a.

- Ngayon lang o hindi, obligasyon mo pa ring ma-meet ang deadline. Binabayaran ka rito, Ed.

Humuni nang matindi ang linya ng telepono. Ibinaba ko ang awditibo at pasalampak na naupo sa kalapit na upuan. Hindi pa nag-iinit ang aking likod sa pagkakasandal nang muling tumunog ang telepono. Huminga ako nang malalim, saka inangat ang awditibo.

- Hello, Dad? – batang tinig. Parang sinundot ang aking dibdib.

- Mark? Hindi ka pa natutulog?

- Iniwan ko sa kwarto si Mommy.

- Matulog ka na. May pasok ka pa bukas sa eskwela.

- ‘Usap muna tayo, Dad.

Dinig ko’y may tumatawag na babae—halatang inis.

- Dad, kailan ka babalik?

Hindi ko alam kung ano ang isasagot.

- Sandali lang, Mommy. Nami-miss ko na si Dad – wika ni Mark sa kabilang linya habang pigil ng babae–ni Gelika.

Naputol ang linya. Hawak ang awditibo, umunat ako sa pagkakaupo. Bukas, trabaho. Kinabukasan, trabaho uli, obligasyon kung kani-kanino, patung-patong na iskedyul. Kailangang kumita. Kailangang makipagkapwa-tao. Tsk, kulang pa rin ang panahon sa daigdig. Marami pa akong dapat saliksikin.

Ibinalik ko ang awditibo, inubos ang natitirang kape. Minasdan ko pagkatapos ang tasa at nakipag-toast sa aking anino sa dinding. Inilapag ko itong muli sa hapag. Ibinaling ko paharap sa bukas na durungawan ang upuan, lumagay sa pagkakasandal habang unan ng masakit pa ring ulo ang mga kamay. Sa labas ay sinasamba ng dilim ang kapirasong liwanag ng buwan.

*Nalathala sa The Flame 1992, Vol. XIX, No.3

SANDAKOT NA MAGHAHASIK SA SANSALOP NA PANGHASIK

Magkahiwalay na bumagsak ang dalawang bahagi ng kahoy sa bigwas ng palakol na inihataw ni Crispulo. Pinulot niya ang mga ito at isinama sa salansan ng sinibak na katawan ng tuod na kahapo’y pinaghirapan niyang maitumba. Tinanaw niya ang nakasisilaw nang silahis ng papataas na sikat ng araw. Kapagkuwa’y ibinaba ang paningin sa natitira pang mga anihing palay sa tumana habang winawari sa balintataw ang pagkabalam ng mga tagapag-ani sa umagang iyon ng Miyerkules.

“Hoy, Pulo! Ikaw baga’y tapos na riyan sa ginagawa mo? Dalian mo’t nakahain na ang almusal,” narinig niyang tawag ng kanyang ina mula sa batalan.

Itinarak ni Crispulo sa pinagssangkayawan ang palakol bago tuluyang lumisan. Sa hagdanan ng batalan siya nagdaan habang tinutuyo ng hinubad na kamiseta ang pawisang katawan.

Dinatnan niya sa hapag ang kanyang ina at ang nakababatang kapatid na babae na nagsisimula nang kumain. Sinangag at pinais na hiwas ang almusal nang umagang iyon, sa gitna ng hapag ay ang kapiterang kinasisidlan ng mainit na kapeng barako.

“Dito ka na kumain…” aro ng kanyang ina sa pinagbulusang pinggan habang umuupo si Crispulo sa kaharap na panig.

“Ang Itay ho?” tanong niya habang kumukuha ng sinangag.

Sumubo pa muna nang dakot si Aling Isyang bago tinugon ang anak.

“Sumaglit sandali kina Pareng Udoy. Susubukang humiram ng balaong dahil iyang sa atin e butas na.”

Mula sa labas ay sumingit ang tinig ng mag-asawang Ingga at Pulo – katukayo ni Crispulo. Kasunod ang pareha nina Ka Tony at Ka Leleng. Sila ang hinihintay na mga tagapag-ani mula sa kalapit na nayon.

“Aba, sina mare pala. Akyat kayo rine at makapag-almusal,” dunghaw ni Aling Isyang sa kalapit na durungawan.

Tumayo mula sa hapag ang matanda at tinungo ang pintuan.

Umingit ang hagdanang kawayan sa pag-akyat ng apat na magbubukid. Bawat isa’y may kanya-kanyang usapan na sa daan pa lamang ay maaaring pinaghuhuntahan na.

“Tinanghali yata kayo ngayon?” usisa ng ina ni Crispulo habang pinapatuloy ang mga nagsidating.

“Aywan ko nga ba, Mare…nang mamuklatan ko ay may araw na,” walang anumang paliwanag ni Mang Pulo habang inilalapag sa mga sako ng palay ang sakbit na takuyan.

“Nagpakain pa ako ng baboy, Mare,” ani Ka Leleng.

“Maupo muna kayo at ililiwat ko kayo ng kape.”

Yagyag na tinungo ni Aling Isyang ang kusina, kasunod si Ka Tony.

“Aba, narito pala ang aking mamanugangin,” pabirong bungad pagkakita kay Crispulo sa hapag.

Maya-maya pa’y nagsimula nang mag-ani ang lahat kabilang na rin sina Aling Isyang at Crispulo.

Wala sa sarili si Crispulo habang pinuputol ng pangani ang mga butil ng palay na kaharap niya. Malapit nang magbukas ang klase. Mag-aaral na siya sa kolehiyo subalit hanggang ngayo’y nalilito pa rin siya. Balak niyang kumuha ng kurosng Komersyo, pangarap niyang maging isang accountant, ang makapagtrabaho sa isa sa malalaking mga kumpanya sa Maynila. Sawa na siya sa bukid na kinamulatan na rin ng halos lahat ng kanilang mga ninuno. Gusto naman niyang gamayin ang sarili sa mga gawaing hindi magpuputik ang mga kamay niya’t paa, kung saan makapagbibihis siya ng makisig at malinis na kasuotan. Isang gawaing gagamitan niya ng lubos na pag-iisip at talino.

Subalit ayaw pumayag ng kanyang Itay, na sa tuwina’y ipinipilit na kursong pang-agrikultura ang dapat niyan kuhanin. Iisa ang dahilaan, walang dapat mangalaga ng kapiraso nilang lupain kung hindi siya. Matanda na ang kanyang mga magulang at bukod sa pagiging panganay ay siya lamang ang lalaki sa kanilang magkakapatid. Tatlo sila, disinuebe siya at disisyete ang kasunod na kasalukuyang nagbabakasyon sa kanilang Tiyahin sa Parañaque, ang bunso naman ay dose anyos pa lamang.

“Criselda, saan mo ba binabalak magkolehiyo?” Minsan ay naitanong niya sa anak ni Ka Tony nang maghatid siya ng hunos.

“Kumuha na ako ng eksamen sa Maynila at nakapasa naman. Education ang pinili ko. Ikaw?

Bumuntunghininga pa muna si Crispulo bago nagsalita.

“Commerce sana. Kaya lamang, ayaw ni Itay…Agriculture na lamang daw ang kuhanin ko.”

“Sayang naman. Mas bagay sa iyo ang kursong propesyunal.”

Ang sinabing iyon ng kababata ay lalong nagpasidhi sa hangarin niyang makamit ang estadong pinapangarap niya. Lalo pa’t karamihan sa mga kakilala niya ay isa-isa na ring nagsisilisan upang makipagsapalaran sa lungsod. Ayaw niyang mapag-iwanan ng panahon sa gitna ng mga pilapil. Kailangang kalagin na ang tanikala ng lupang dumikit sa kanyang pagkatao.

Dalawang linggo bago sumapit ang pagpapalista, tumanggap si Crispulo ng kalatas na nagsasabing pumasa siya sa isang scholarship program na itinataguyod ng isang pamantasang pag-aari ng pamahalaan. Ang pagsusulit ay kinuha niya bago magtapos ng hayskul.

“Nasabi mo na ba sa iyong ama ang tungkol dito?” tanong ng kanyang ina matapos basahin ang kalatas.

Umiling si Crispulo, nawala ang ngiting kanina’y nakabahid sa mga labi.

“Siguro naman ho, papayag na si Itay. Tutal, hindi naman masyadong magastos ngayong iskolar na ako.”

“Itanong mo muna sa iyong ama,” tumalikod si Aling Isyang at tinungo ang abuhan. Binuksan at hinipan nang bahagya ang bumubulak na sinaing.

“Sa akin ay walang problema. Pero ang iyong ama ang dapat na magpasya,” muli niyang baling kay Crispulo.

Hindi mapagkatulog si Crispulo nang gabing iyon. Ilang araw na lamang at kailangan niyang lumuwas patungong Maynila upang isaayos ang mga kakailanganin niya sa nasabing pamantasan. Bukas ay daratingg ang kanyang ama mula sa pakiskisan ng palay, kailangan niyang magpasya.

“Bahala na.” Bahalaa nang magdamdam ang kanyang ama, igigiit pa rin niya ang kanyang ibig.

“Alam ko na ang sasabihin mo,” wika ni Mang Saryo pagdating kinabukasan. “Ganito ang kukuhanin ni Tonyo, ganoon ang kay Jose, kay Pedring…sa anak ni Aling Maring at kay Criselda, at ang lahat ng mga kaibiga’t kakilala mo.”

“Pero, Itay…”

“Ang kursong agrikultura ‘kamo ay napakahamak kumapara sa kanila dahil ito’y praktikal na bagay na mapapag-aralan ninuman, hindi ba?

“Itay, hindi naman ho magastos….libre ho sa matrikula, Itay.”

“Eh ano kung libre, sinabi ko bang hindi? Bakit mo isisiksik ang sarili mo sa komersyo? Ipaubaya mo na lamang sa iba na hindi nagsasaka.”

Tinalikuran ni Crispulo ang ama. Nagdaramdam na tinungo ang dampang nakatayo sa balisbis ng tumanahan. Dinatnan niyang nanginginain doon si Kulintaw. Pinagmasdan niya ito at kapagkuwa’y dumakop ng giikan sa bakol ng kumpay.

“Pulo,” maya-maya’y narinig niyang twag ng ama mula sa gilid ng dampa.

Hindi natinag si Crispulo sa loob. Lumapit si Mang Saryo sa anak at tinapik ito sa balikat.

“Pulo, pakinggan mo muna ako. Mahirap iyang palagi mong inuuna ang sarili mong kagustuhan.”

“Simpleng kurso na nga ho lamang ang iginigiit ko…hindi pa ninyo ako mapagbigyan,” mahinang sabi ni Crispulo.

Lumabas ang matanda mula sa dampa at tumanaw sa malawak na bukirin.

“Halika, Pulo,” tawag ni Mang Saryo.

Minasdan ni Crispulo ang ama na hindi tumitinag sa pagkakatayo. Saka pa lamang siya tumalima nang sulyapan nito.

“Masdan mo ang bukid, Pulo. Nang kasing-edad mo pa lamang ako, nagsasaka na akong mag-isa riyan. Nilubugan na ako ng araw sa parang kung kaya’t alam ko haloos ang bilang ng mga magsasakang lumulusong sa putikan sa panahon ng pagtatanim at gumagabot sa mga uhay kapag anihan. Napakasaya noon. Hindi nakakainip ang paglilinang sapagkat marami kami, mula sa paanan ng bundok na iyon hanggang dito. Akala ko’y mananatili silang kasama ko. Hindi pala. Marami sa kanila’y nangamatay na walang kahalili sa gawaing nakaatang sa kanilang mga balikat. Ang mga anak nila’y nagnais ding magsilayo mula sa hamak na lupaing ito. Tulad mo. Wala nang nagmimithing sumalo sa responsibilidad na itinalaga para sa isang magsasaka.”

Pinagmasdan ni Mang Saryo ang anak na walang kibong nakatanaw sa kawalan.

“Hindi masama ang mangarap, Pulo. Subalit isa ka nang alagad nang lupa. Ikaw ang bubuhay sa mundong ito. Isa kang magsasaka, Pulo…tulad ko! uunlad ka bilang isang magsasaka.”

Unti-unting umusad ang kumakarag na pampasaherong bus mula sa terminal. Tinanaw ni Crispulo ang kumakaway na ina mula sa nakaawang na bintana ng bus. Hanggang sa sandaling iyon ay binayaan siyang mag-isa ng ama, na bagamat sumang-ayon din sa nais niya ay ramdam niyang may hinampo pa rin sa kanya.

Dahilan niya, makakatulong pa rin naman siya sakali mang magtagumpay siya sa pangarap na propesyon. Ang mahalaga ngayon sa kanya ay ang bagong landas na kaniyang tatahakin, palayo sa daigdig ng kanyang ama – ang bukid. Ano nga ba ang maging magsasaka sa panahong nilulupig na ng industriyalisasyon ang mundo?

Malayo na angnarating ng mga taong dati’y umaasa sa mga biyaya ng bukid. Kailangang humabol siya. Sa kanyang pananaw, ang bukid ay isang kulelat na atleta, na kailanma’y hindi uusad upang makibagay sa daloy ng mga pagbabago.

Ang sumunod pang mga araw ay sumaksi sa kakaibang buhay ni Crispulo sa lungsod. Nang una’y nanibago siya sa maruming samyo ng hangin at sa kasalatan ng mga punongkahoy at halamang siyang kakanyahan ng bukid. Pati na rin sa kamahalan ng mga pagkaing dati’y sinasaymot lamang niya kanilang bakuran. Gayunma’y humanga rin siya sa mapang-akit na mga kadalagahan, sa nagtataasang mga gusali at mga ilaw-dagitab na lumalangkap sa karimlan, at sa mga sasakyang humahagibis sa lansangan.

Sa kanyang pag-iisa’y pinanabikan niya ang tahanang pawid na kanyang nilisan, ang mga magulang niya’t mga kapatid. Nang malauna’y nasanay na rin siya. At sa tuwingn pagmamasdan niya ang sarili sa salamin, hindi na niya mabakas mula roon ang replika ng dating si Crispulo na inilarawan ng matining na batis. Ang nakikita niya’y isang taring na taga-lungsod, kailanma’y hindi na muling lulusong pa sa maputik na tubigan.

Gabi, muling sumagi sa kanyang isipan ang mga magulang at kapatid. Saan pa nga ba iinog ang kanilang buhay kundi sa bukiring pilit niyang tinatalikdan. Simpleng buhay, simpleng pangarap…nilangkapan lamang ng paglilinang, pagtatanim at pag-aani. Kapagkuwa’y muling maghahasik, maghihintay…gagapas. Ganoon nang ganoon, kailanma’y hindi na mag-iiba.

Nag-iisa ang kanyang ama sa gitna ng malawak na bukirin. Nakatayong hawak ang balanggot sa kanang kamay, nakatalikod…malayung-malayo sa kanyang pananaw. Maabo ang paligid na tila dapithapon, ang hangi’y umiihip nang buong panglaw mula sa silangan.

Tinawagan niya ang ama, ni hindi ito sumulyap sa kanya. Sumigaw siya…malakas! Hanggang sa tuluyang mapaos ang kanyang tinig. Subalit hindi natigatig ang kanyang ama sa kinatatayuan humilam sa kanyang paningin ang pawis na naglandas sa pilik-mata, napapikit siya…nang magmulat ay nasa harapan na niya ang kanyang ama. Walang damdaming mababasa sa kabuuan ng matanda habang nakamasid sa kanya.

Yumukod ang kanyang ama at dumakot ng lupa sa kaliwang kamay. Tumayo, at nakita niya ang isang salop na butil ng palay sa kanan. Nagsalita ito, sa tinig na naglalagos sa umaalimpuyong ihip ng hangin.

“Timbangin mo, Crispulo…”

Hindi siya nakaiwas nang biglang isaboy ng ama sa kanyang mukha ang lupang dinakot mula sa tigang na bukirin. Napapikit siya nang mariin. Dama niya ang hapding tumimo sa kanyang mga mata. Sumigaw siya, nagpasaklolo sa kanyang ama na walang anumang lumisan, palayu nang palayo…

“Hintay!!!”

“Cris! Cris! Buksan mo ang pinto!”

Napabalikwas si Crispulo mula sa kinahihigaan.

“Cris! Ano ba’ng nangyayari sa ‘yo?” muling tawag ng kasera sa labas habang marahas na kinakatok ang pintuan.

Hilaw sa tulog na tinungo ni Crispulo ang pinto at pinagbuksan ang matanda.

“Nanaginip lang ho ako. Alas nuebe na ho ba?”

“Oo, kaya husayin mo na ang sarili mo at papasok ka pa. bago ko nga pala malimuta, may dumating na telegrama. Basahin mo kaagad at mukhang mahalaga,” bilin ng kasera kapagkuwa’y lumisan.

Kinuha ni Crispulo ang telegrama sa kahong lalagyan ng mga mensahe sa labas ng silid. Nabigla siya sa nilalaman niyon. Pinauuwi siya sapagkat malubha ang kanyang ama. Sumasal sa kaba ang kanyang dibdib, ang pangamba’y kaagad na lumagom sa kanyang pagkatao.

“Paano ang pag-aaral mo?” pakli ng kasera, “Sayang naman kung hindi mo maipagpatuloy.”

Sayang, naisip din ni Crispulo. Nasimulan na sana niya ang unang baitang ng kanyang pangrap, heto’t muli na naman siyang maghihintay.

Sa nangyari sa kanyang ama’y muli na namang nabawasan ng matapat na alagad ang bukid. Nakapanghihinayang kung matiwangwang ang paraiso ng kanyang ama.

SASANDAKOT NA NGA ANG MAGHAHASIK SA SANSALOP NA BINHI…kailan pa siya kikilos? Hihintayin pa ba niyang maubos pati na ang mga butil na panghasik.

Dinampot ni Crispulo ang kanyang bag at humakbang palayo. Sa malayong dako’y patuloy na nilalaro ng hangin ang ginintuang mga uhay. Kumakaway wari sa muli niyang pagbabalik sa luntiang paraiso ng bukid.

*Nagwagi ng Unang Gantimpala, ANI 1990

Welkam!

Posted: June 22, 2010 in Uncategorized

Welkam! Sana’y maibigan ninyo ang site na ito.